KINUMPIRMA kahapon ni Armed Forces of the Philippines (AFP) chief of staff General Romeo Brawner na nagbaba ng guidance si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. bilang commander in chief na sikaping mawakasan na ang insurgency sa bansa.
Dumalo si Pangulong Marcos Jr. sa ginanap na kauna-unahang command conference ng AFP para sa taong 2024 kung saan binigyan siya ng briefing hinggil sa mga naging accomplishment ng hukbong sandatahan at mga kasalukuyang programang ipinatutupad kaugnay sa internal at external security.
Kaugnay sa insurgency situation, tatangkain ng AFP na mawakasan na ito ng tuluyan upang pumihit na sila sa external or territorial defense.
Ayon kay Brawner, nagbigay siya ng deadline sa lahat kanilang field commander na tuluyan nang sugpuin ang mga nalalabing rebeldeng komunista na kabilang sa sinasabing 14 weakened guerilla front na nalalabing tinutugis pamahalaan.
Inihayag ni Brawner na ang kanyang command guidance sa lahat ng field commanders na wasakin ang mga nalalabing vertical force ng CPP-NPA.
Una ng inihayag ng AFP na sinasabing naabot na nila ang strategic victory laban sa CPP-NPA at mahihirapan ang mga komunistang rebelde na makabalik sa dati nilang lakas tulad noong dekada 90.
Taliwas ito sa inilabas na pahayag ni Mark Valbuena ng CPP-NPA na tatagal pa ang kanilang pakikipagtunggali sa pamahalaan at malalagpasan pa nila ang Marcos regime. VERLIN RUIZ