Binigyang-diin ni Archdiocese of Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo na hindi pagpatay ang kasagutan sa mga pagpaslang sa Filipinas.
Tugon ito ni Pabillo sa muling pag-igting ng panawagan na ibalik ang death penalty sa bansa kasunod ng pagpatay ni PSMS Jonel Nuezca sa mag-inang Sonya at Frank Anthony Gregorio noong Disyembre 20 sa Paniqui, Tarlac.
Ayon kay Pabillo, nawa’y maunawaan ng mga mambabatas na hindi solusyon ang death penalty sa mga krimen, kundi ang ipatupad nang walang kinikilingan ang batas.
“Panawagan ko sa mga mambabatas na hindi masosolusyunan ang pagpatay sa pamamagitan ng pagpapatay,” giit pa ng Obispo, na siya ring chairman ng Episcopal Commission on the Laity ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), sa panayam ng church-run Radio Veritas.
Ipinaliwanag pa niya na mahalagang ayusin ng pamahalaan ang judicial system ng bansa upang maayos na maipatupad ang mga isinasaad ng Konstitusyon.
Binigyang-diin ni Pabillo na kahit pa iiral ang death penalty sa bansa kung walang disiplina ang mga tagapagpatupad ng batas ay hindi pa rin malulutas ang krimen sa lipunan.
“Kahit may death penalty kung walang disiplina ang police force at hindi maayos ang justice system, hindi pa rin masosolusyunan ang krimen,” aniya pa.
Bukod pa rito, sinabi ng obispo na dapat sasailalim ang mga pulis sa paghuhubog at bigyan din ng kaukulang disiplina ang mga lider ng lipunan na tila nagsusulong ng karahasan.
Inihayag ni Pabillo na ito marahil ay resulta ng kawalan ng pananagutan at pagbabalewala ng mga kinauukulan sa mga krimeng kinasasangkutan ng mga pulis.
Panawagan pa niya sa Philippine National Police (PNP), huwag nang ipagtanggol ang pagkakamali ng kanilang kasamahan bagkus ay ipakita sa mamamayan na wala itong kinikilingan at bigyang katarungan ang naulila ng mga biktima.
Giit pa ng Obispo, marami pang katulad na insidente na kinasangkutang ng mga pulis ngunit ito lamang ang nakuhanan ng video na magsisilbing ebidensya at nagpapakita ng pang-aabuso at malinaw na isang extra judicial killing.
“Dapat talagang ibaba ang kamay ng batas dumaan sa disiplina ang pulis; dapat imbestigahan at ipakita ng mga pulis na may nagagawa sila; huwag nilang ipagtanggol ang mali ng kanilang kasamahan,” giit ni Bishop Pabillo. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.