DEATH PENALTY IPATAW RIN SA MGA TIWALING HUKOM AT LAW ENFORCER

Rep Robert Ace Barbers-1

BILANG tugon sa argumento ng mga kontra sa muling pagpataw ng parusang kamatayan partikular ang pagigiit na ang dapat pagtuunan ng pansin ay ang pagpapabuti sa judicial system ng bansa, isama na rin sa parurusahan ang mga mapatutunayang tiwaling miyembro ng hudikatura at iba’t-ibang law enforcement agencies.

Ayon kay House Committee on Dangerous Drugs Chairman at 2nd Dist. Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, nagtataka siya sa ilang pulitiko, lalo ang mga matagal na ring nanunungkulan sa gobyerno, kung bakit patuloy na tinutuligsa ng mga ito hakbangin buhayin ang death penalty.

Aniya, halos paulit-ulit lang din naman ang puntong inilalatag ng mga ito gaya ng paninindigang ang justice system ang kaila­ngan ayusin, subalit ang masaklap na katotohanan, may mga government official ang sila pa umanong tumatayong padrino para sa appointment  o promosyon ng ilang mga taga-hudikatura at tagapagpapatupad ng batas.

“They even placed people in government, more specifically in the judiciary. Nagpa-appoint sila ng mga judges na kaibigan nila, worked for the promotion of some police officers, and had people appointed as fiscals and sponsored lawyers to be admitted in the Public Attorney’s Office. Palakasan ng backer ang umiral. Now they will complain. They are part of the corrupt system that they helped build. Dapat si­guro isama sa death penalty yung mga corrupt judges and policemen na sinasabi nila para maging perfect ang justice system,” ani  Barbers.

Binigyan-diin pa ng mambabatas, bahagi ng kapangyarihan at  karapatan ng pamahalaan ng isang malayang bansa ang pagnanais na magpatupad ng parusang kamatayan, alinsunod sa pagganap na rin sa  tungkulin nito na protektahan ang lipunan o mga mamamayang kanyang nasasakupan mula sa mga lumalabag sa batas.

Samantala, nanawagan naman si Buhay party-list Rep. Lito Atienza sa administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na ngayong may nararanasang pandemya, ang pagsagip ng mga buhay sana’y ma­ging prayoridad nito sa halip na magpagawa ng ‘lethal injection chamber’ para sa mga masesentensiyahan ng  kamatayan.

“The government should concentrate on sa­ving lives and quelling the coronavirus pandemic now and allow the next administration to worry about the proposal to bring back the death penalty,” apela pa ng mambabatas.

Giit ni Atienza, hindi akma sa kasalukuyang sitwasyon  ng bansa ang pagsusulong na ibalik ang death penalty dahil una, wala na umanong sapat na oras ang Kongreso para talakayin ito; pangalawa, walang 22 months ay muling maghahalal na ng bagong pangulo at mga kasapi ng lehislatura; at panghuli, kahit habulin ito sa Kongreso, hindi rin naman daw masasaksihan ng Punong Ehekutibo ang pagsalang sa death chamber ng sinumang mahahatulang bilanggo. ROMER  BUTUYAN

Comments are closed.