MALAKI ang pag-asang pumasa na sa Senado ang pagbabalik sa parusang kamatayan.
Ayon kay Senador Ronald ‘Bato’ Dela Rosa, isa sa mga may akda ng panukalang ibalik ang death penalty, mahigit na sa mayorya ng mga senador ang boboto ng pabor sa panukala.
Gayunman, posible pa ring mabitin ito sa Senate committee on justice and human rights dahil tutol dito ang chairman ng komite na si Senador Richard Gordon.
Sinabi ni Dela Rosa na dalawang isyu ang nakikita niyang magiging madugo sa talakayan, una ang isyu na anti-poor ang death penalty at ang international treaty na nagbabawal sa pagpapatupad ng parusang kamatayan.
“Kung puwede sana within 2020 mapalusot na natin ‘yan pero sabi nga ni Senate President Sotto kahapon, ‘yung mga preview sa Congresses umaabot ng ilang taon ‘yung kanilang bakbakan d’yan sa debate sa death penalty na ‘yan, walang kamatayang death penalty,” ani Dela Rosa.
Target ni Dela Rosa na dahan-dahanin ang paglalagay ng mga krimen na kailangang patawan ng parusang kamatayan.
Sa ngayon ay nakatutok lamang sa drug trafficking ang mga nakalatag na panukalang batas.
“We have to break the death penalty to them gently, dahan-dahan muna para matanggap sa ating mga kababayan itong re-imposition ng death penalty dahil kung biglaan natin lahat ng heinous crimes ikarga natin masyadong mabigat talagang maraming mag-o-oppose d’yan,” ani Dela Rosa sa panayam mula sa Ratsada Balita ng DWIZ882.
Comments are closed.