BINUBUHAY ulit ang panukalang batas na ibalik ang death penalty sa ating bansa. Matatandaan na noong panahon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, ang death penalty ay ibinasura dahil umano sa moral grounds. Tila hindi raw epektibo ang death penalty at maaaring sanhi ng injustice sa mga nahahatulan ng kamatayan imbes na mabulok sa kulungan at magsisi sa kasalanan at magreporma sa buhay.
Subalit, sa administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte, mukhang malaki ang pag-asa na ibalik ang nasabing batas. Maganda ang panukala ni Sen. Manny Pacquiao na mukhang may ayuda kay Senate President Vicente Sotto III.
Ayon kay Pacquiao, isang hearing na lang ang kailangan bago niya i-sponsor ang nasabing panukalang batas sa plenaryo. Magandang pagkakataon daw ito para dinggin muli at mapaliwanagan kung bakit nararapat na buhayin muli ang death penalty.
Sabi nga ni Sotto, ito ay panukalang batas na sasakop lamang sa mga big time drug lord na maaaring suportahan ng mga kapuwa niya senador. Ayon sa kanilang bersiyon ng death penalty, ito ay ipapataw lamang sa krimen ng paglalako ng ilegal na droga. Mas isinentro nila sa mga drug lord. Para kina Pacquiao at Sotto, dapat lamang na masentensiyahan ang mga drug lord ng kamatayan dahil marami ang nasisira nilang buhay at pamilya. Kasama na rito ang mga kahindik-hindik na krimen ng pagpatay ng mga inosenteng bata at kababaihan.
Matatandaan na kamakailan lamang ay may isang 20-anyos na babae na pinatay sa Bacoor, Cavite. Walang awang pinagsasaksak ng isang lango sa droga. Umamin ang suspek na ang mga ninakaw niyang gamit ay ipinapalit niya para sa ilegal na droga.
Ganoon din doon sa buntis na assistant prosecutor ng Ombudsman. Huminto lamang ng tanghaling tapat upang bumili ng malamig na inumin. May isang adik na inundayan ang walang kalaban-laban na batang buntis na abogada dahil sa tangkang pagnanakaw. Namatay ang abogada. Sinira nitong drug addict ang kinabukasan nitong abogada at ang kanyang minamahal sa buhay na naiwan niya. Tama ba ito? Hindi!
Ako ay sang-ayon sa panukalang batas na ito na ibalik ang death penalty para sa mga drug lord lamang. Sila ang salot sa ating lipunan. Mas malaki ang pag-asa na maging epektibo ang death penalty dito.
Matatakot ang mga sindikato at mamumuhunan ng ilegal na droga na mag-operate sa ating bansa.
Ang krimen kasi ng rape at pagpatay ng kapuwa tao ay maaari pang magbago, hindi tulad ng mga nasisirang buhay at kinabukasan ng mga drug lord. Libo po ito.
Comments are closed.