DEATH PENALTY SAGOT SA HEINOUS CRIMES

DEATH PENALTY

IGINIIT ni House Assistant Majority Leader at ACT-CIS party-list Nina Taduran  ang muling paggagawad ng parusang kamatayan partikular sa mga napatunayang gumawa ng karumal-dumal na krimen para hindi na umano makatakas ang mga ito sa kanilang pana-nagutan sa batas at ganap ding mabigyan ng katarungan ang kanilang naging biktima.

Ginawa ng ranking house official ang pahayag bunsod na rin sa lumalaking kontrobersiya hinggil sa kaduda-dudang  pagpapalaya sa ilang ‘high profile inmates’ gamit ang kinukuwestiyon ngayon na patakaran hinggil sa naigawad sa kanila na ‘Good Conduct Time Allowance’ o GCTA.

“If the death penalty was allowed, there would be no “second chance” for those found guilty of committing heinous crimes.” ang mariing sabi pa ni Taduran.

Kamakailan ay naisiwalat ang pagkakalaya ng apat na Chinese drug lords mula sa kanilang selda sa National Bilibid Prison (NBP) gayundin ang tat-lo sa pitong nahatulan kaugnay ng 1997 rape-slay ng Chiong sisters sa Cebu, base  diumano sa nalikom na GCTA ng mga ito.

Ayon sa lady party-list lawmaker, ang pagkakalabas sa piitan ng mga nahatulang bilanggo na utak sa karumal-dumal na krimen ay katumbas nang pagkakait na mabigyan ng hustisya ang kanilang mga naging biktima at gayundin sa pamilya nito.

“Maraming buhay ang sinira ng mga kriminal na ito, at ipina­kita lang nila na wala silang lugar sa isang sibilisadong lipunan,” pagbibigay-diin ng house assistant majority leader.

Nagtataka at mahigpit ding tinutuligsa ni Taduran kung bakit ang mga preso na nasa likod ng heinous crimes ay pinayagang makalaya gayung ma-linaw namang nakasaad sa probisyon hinggil sa paggawad ng parole na hindi sila kuwalipikado sa prosesong ito.

Base sa ulat ng Bureau of Corrections, nasa 1,914 na ang bilang ng mga bilanggo, kasama ang ilang mga nahatulan sa iba’t-ibang uri ng heinous crimes, ang lumabas na sa kulungan mula pa noong taong  2014.

Dahil dito, sinabi ni Taduran na bukod sa panahon na para rebisahin ang panuntunang ginagamit para sa pagbibigay ng GCTA, na hindi umano mala-yong nababahiran ng katiwalian para paboran ang ilang high profile inmates, ay dapat nang ibalik ang death penalty.      ROMER B.

Comments are closed.