BUBUSISIIN din ng Philippine National Police ang umanoy banta sa buhay ng kanilang Commander in-chief, ang Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. base sa mga kumakalat na video hinggil sa naging pahayag ni VP Sara Duterte.
Kahapon inihayag ng PNP Criminal Investigation and Detection Group na iimbestigahan nila ang umanoy banta ni Vice President Sara Duterte kay Pangulong Marcos, maging sa asawa nitong si First Lady Liza Araneta Marcos at House Speaker Martin Romualdez.
Magugunitang nitong nakalipas na Linggo ay mabilis na kumalat ang umano’y pagbabanta ni VP Sara .
Inaakusahan din ang ilang government officials ng korapsyon at umano kagustuhan ni Romualdez na mawala siya.
Sa kumalat na video kaugnay sa umano’y Zoom Presscon ni VP Sara at ng kanyang chief of staff na nakadetini sa Kongreso ay sinasabing may nakausap na siyang tao para patayin sina Marcos, Romualdez, at First Lady sakaling mamatay siya. At hindi umano ito biro.
Subalit nilinaw ni VP Sara Duterte na ang nasabing pahayag laban sa Pangulo ay ‘maliciously taken out of logical context’.
Ayon kay Duterte ang kanyang pahayag na ipinag-utos na niya na likidahin si PBBM kapag umano’y nagtagumpay ang plano laban sa kanya (VP Sara).
Ayon kay CIDG chief BGen. Nicholas Torre III bubusisiin nila kung may katotohanan ba ang pahayag ng pangalawang Pangulo na may nakausap na siyang hitman.
“Nandoon tayo sa level na ‘yon, ‘yon talaga ang abot naming – kung totoo nga bang may hitman, kung totoong baka wala namang hitman, o baka naman ‘yan ay figure of speech na naman. ‘Yon ang ating mga titignan diyan. And we will be including all of those and considering those in our investigation,” anito.
Una nang kinumpirma ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Jimmy Santiago ang authenticity ng video kung saan mayroong inutusan umano si Vice President Sara Duterte na ipapatay umano si Pangulong Ferdinand Marcos Jr kung sakaling ito ay mapatay.
Sinabi ni NBI Director Jaime Santiago, inatasan sila ni Justice Secretary Jesus Remulla na beripikahin ang authenticity ng video.
Ang nasabing direktiba ay matapos na ipag-utos ni Executive Secretary Lucas Bersamin at Presidential Security Command na imbestigahan ang banta ni Duterte.
Dagdag pa ni Santiago, nakita ng kanilang NBI Cybercrime investigators na ang video ng bise presidente ay tunay at hindi deepfake o AI generated.
VERLIN RUIZ