UMABOT na sa 224 ang bilang ng mga nasawi sa ginawang pananalasa ng bagyong Agaton sa Visayas at Mindanao matapos na madagdagan ng 46 ang mga bangkay na nakuha ng iba’t ibang search and retrieval team.
Ang region 8 ang may pinakamalaking bilang ng nasawi na umaabot na ngayon sa 202, habang sa Region 6 ay may naitalang 17; sa region 7 ay may reported na dalawang patay.
Sa inilabas na update ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NRRMC) kahapon , may 147 pa ang nawawala dahil sa nagdaang kalamidad.
Lumalabas din sa ulat na region 8 ang may pinakamaraming bilang ng reported missing na umaabot sa 140.
Gayundin, kabuuang 599, 956 pamilya o higit dalawang milyong indibiduwal ang naapektuhan sa siyam na rehiyon.
May 175, 794 indibidwal ang hindi pa nakakauwi at higit kalahati nito ang nananatili sa 447 evacuation centers.
Sa 11,729 bahay na napinsala, 10, 519 ang maaari pang maayos at ang natitirang 760 ay itinuturing na ‘totally damaged.’
Samantala, sa 76 lungsod at bayan na nasalanta, 12 pa lamang ang naibalik na ang suplay ng kuryente at hindi pa naibabalik naman ang suplay ng tubig sa tatlong lungsod at bayan. VERLIN RUIZ