HABANG nakabantay ang PAGASA sa dalawang low pressure areas na nagbabantang maging ganap na bagyo ay patuloy na lumolobo ang bilang ng mga taong naapektuhan ng ilang araw na pag ulan dala ng Tropical Storm Enteng na pinalala ng umiiral na South West Monsoon o Habagat.
Sa inilabas na datos ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) ay umakyat na sa 20 ang bilang ng naitalang reported death sa bagyo at habagat habang lumobo rin sa 26 ang bilang ng mga nawawala.
Ayon sa State weather bureau, hindi pa tapos ang epekto ng TS Enteng may dalawang low pressure areas sa labas ng Philippine area of responsibility ang kanilang binabantayan ngayon.
Isa sa binabantayang LPA ay namataan sa silangan hilagang silangan ng dulong bahagi ng Luzon habang nasa Silangan bahagi naman ng Mindanao ang isa pang LPA.
“Itong dalawang LPA na ito ay hindi natin inaalis ang posibilidad na maging isang bagyo sa mga susunod na araw,” ayon kay PAGASA weather specialist Grace Castañeda.
Ayon kay Castañeda, sakaling pumasok sa AOR ng bansa ang namataang LPA ay posibleng palakasin nito ang habagat at magdulot ng mga malakas na pag-ulan
Kaya pinangangambang madagdagan pa ang naitalang 2,394,169 katao o katumbas ng 675,428 na pamilyang naapektuhan ng ilang araw na pag ulan na tumama sa 10 rehiyon sa bansa.
Sa huling datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), pumalo na rin sa mahigit P698.9 million ang pinsala ng kalamidad sa imprastraktura kung saan mahigit 500 na pasilidad gaya ng mga kalsada, paaralan, flood control, tulay at gusali ng gobyerno ang naapektuhan.
Nasa 7,622 na kabahayan naman ang napinsala kung saan 493 ang totally damaged at 7,129 ang partially damaged.
Umabot na rin sa P658.9 million ang nalimas ng bagyo sa sektor ng agrikultura na nakakaapekto sa 27,596 na magsasaka at mangingisda.
Sa kabuuan, nasa 39 na siyudad at munisipalidad na ang isinailalim sa state of calamity dahil sa epekto ng bagyo.
VERLIN RUIZ