UMAKYAT na sa mahigit P 24.58 bilyon ang naitalang danyos ng Typhoon Odette agrikultura at imprastraktura sa Southern at Central Philippine nitong pagpasok ng bagong taon.
Ayon sa National Risk Reduction Management Council (NDRRMC) kahapon ng umaga umabot naman sa 407 ang kabuuang bilang ng nasawi sa bagyo habang nasa 78 naman ang bilang ng nawawala habang umakyat naman sa 1147 ang bilang ng mga nasaktan.
Sa inilabas na datos ng ahensiya, umakyat na sa P16,900,164,030.97 ang naging damages sa infrastructure at malaking bahagi nito ay naitala mula sa CARAGA.
Habang ang danyos naman sa mga pananim, livestock, poultry at agricultural equipment ay nasa P 7,684,051,238.26, at Western Visayas ang sinasabing may pinakamalaking pinsala.
Ayon sa NDRRMC mahigit sa 4.4 milyon katao ang lubhang naapektuhan ng Bagyong Odette nang manalasa ito sa Visayas at Mindanao bago magpasko.
Habang nasa 535,373 kabahayan ang nasira ni Odette matapos ang dalawang araw na pananalasa nito kung saan umaabot sa 170,350 ang sinasabing “totally damaged.” VERLIN RUIZ