LEYTE-UMAKYAT na sa 58 ang naitalang casualties sa Region 8 sa Eastern Visayas sanhi ng landslides at flashflooding bunsod ng pananalasa ng tropical storm Agaton, ang kauna-unahang bagyong nanalasa sa Pilipinas ngayong taon.
Ayon kay Col Noel Vestuir, pinuno ng Philippine Army 802nd Infantry Brigade, patuloy ang kanilang ginagawang search, rescue and retrival operation katuwang ang Philippine National Police (PNP), Philippine Coast Guard (PCG) at iba’t ibang search and rescue team.
Karamihan ng mga naitalang nasawi ay mula sa Leyte na itinuturing na isang disaster prone areas nang muli silang hagupitin ng tropical depression Agaton (international name: Megi) na naging sanhi ng mga landslides at pagbaha.
Sa update ng PNP Region 8, nasa 47 katao na nasawi habang may 27 naman ang naiulat na nawawala nang rumagasa ang putik , tubig na may kasama pang mga puno na tumabon sa may anim na farming settlements sa may Baybay City.
Ipinagpatuloy kahapon ang search and rescue operations sa ilang barangay sa Baybay City sa Leyte makaraang suspindehin ni Office of the Civil Defense Regional Office 8 Director Lord Byron Torrecarion nitong Martes ang search, rescue and recovery operations dahil sa panganib na dala ng pag-uulan magdamag.
Ayon kay Torrecarion, mula sa 10 barangay na apektado ng pagguho ng lupa ay nagpokus na lamang sila sa apat na barangay na apektado ng landslide.
Kabilang sa barangay na patuloy pa rin ang search, rescue at recovery operation ay ang Can-ipa, Kantagnos, Bunga, at Mailhi.
Samantala, itinigil din ang rescue operations sa Abuyog, Leyte kahapon dahil sa banta ng panibagong landslide.
Sa ibinahaging report ni Police Regional Office (PRO) 8 Regional Director Brigadier General Bernard Banac, may 53 naitalang nasawi sa Leyte habang isa ang naitala sa Samar.
Ayon kay Banac, patuloy pa rin ang paglilikas ng kapulisan sa mga residenteng na stranded sa kanilang mga tahanan.
Samantala, sa datos ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) ay aabot sa 43 ang kumpirmadong patay habang pito ang pinaghahanap pa rin dahil sa pananalasa ng Bagyong Agaton at may walong sugatan.
Ito ay batay sa latest situational report na inilabas ng NDRRMC nitong araw.
Ayon kay NDRRMC Spokesperson Mark Timbal, may nadagdag na walong katao na naiulat na nasugatan habang pito ang missing o nawawala.
Sinabi ni Timbal, ang 37 na naiulat na fatalities ay mula sa Baybay City sa Leyte, tatlo mula sa Negros Oriental, dalawa mula sa Monkayo, Davao de Oro, at isa mula sa Cateel, Davao Oriental.
Dagdag pa ni Timbal, 37 sa mga ito ay biktima ng landslide na naganap sa Baybay City, Leyte at kasalukuyang nagpapatuloy ang search and retrieval operations sa nasabing area.
Sa ngayon, umakyat na sa kabuuang 580,876 katao o katumbas ng 213,327 pamilya ang apektado ng bagyong Agaton mula sa 924 barangays sa Bicol, Western Visayas, Central Visayas, Eastern Visayas, Northern Mindanao, Davao, Soccsksargen, Caraga, at Bangsamoro Autonomous Region.
Nasa 34,583 katao o 13,788 pamilya ang kasalukuyang nananatili sa 348 evacuation centers.
Nasa kabuuang 341 kabahayan ang nasira, 322 partially damaged at 19 totally damaged sa mga rehiyon ng Bicol, Western Visayas, Central Visayas, Eastern Visayas, Northern Mindanao, Davao, Soccsksargen, at Caraga.
Batay sa isinagawang initial damage assessment ng NDRRMC nasa mahigit P51,398,517 halaga ang nasira sa agriculture sector sa Eastern Visayas, Soccsksargen, at Bangsamoro.
Nakapagtala din ang NDRRMC ng 407 flooding incidents, 43 landslides, six flash floods, tatlong maritime incidents, at pag-apaw ng tubig sa mga ilog.
Nasa 50 roads at anim na tulay ang hindi passable at 13 siyudad at municipalities ang nagdeklara ng state of calamity dahil sa bagyong Agaton. VERLIN RUIZ