MALAKI pa rin ang posibilidad na madagdagan pa ang bilang ng mga namatay dahil sa patuloy na nararanasang masamang lagay ng panahon sa ilang bahagi ng bansa partikular na sa Visayas at Mindanao.
Ito ay matapos na umakyat kahapon sa bilang na 33 ang reported death sanhi ng mga low pressure area, northeast monsoon at shearline mula noong Enero 1, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Base sa pinakahuling datos mula sa NDRRMC, hindi bababa sa pito ang naiulat na nawawala habang 12 ang inulat na nasugatan dahil sa epekto ng masamang panahon.
Ayon sa ulat ng ahensiya, 11 sa mga naiulat na namatay ay nasa Zamboanga, walo sa Northern Mindanao, pito sa Eastern Visayas, lima sa Bicol, at tig-isa sa Davao at Soccsksargen.
Subalit sa kasalukuyan ay 18 pa lamang sa mga naiulat na nasawi ang nakumpirma habang kasalukuyang bina-validate pa ang ibang reported dead .
Nananatiling lubog sa baha ang may 240 na mga lugar sa Region 3, MIMAROPA, Regions 5, 6, 7, 8, 9, at BARMM.
Nasa 1,672 na bahay ang iniulat na nasira – 1,145 ang partially damaged at 527 ang totally damaged.
Habang ang naitalang danyos kahapon ng NDRRMC sa agrikultura ay umaabot na sa P414,347,212 habang ang halaga ng nasira sa imprastraktura ay nasa P206,956,824.
Nag-ulat din ang National Irrigation Administration ng mahigit P25.6 milyon ang napinsala.
Ayon pa sa ahensiya, mahigit P86.8 milyon na ang naibigay na tulong sa mga biktimang nasalanta.
Habang nasa 59 na siyudad at munisipalidad ang nagdeklarang under state of emergency busnod ng nararanasang sama ng panahon
Kaugnay nito, ilang sa mga idineklara na nasa state of calamity ang bayan ng San Miguel at Santa Fe sa Leyte; ang buong lalawigan ng Silangang Samar; Gandara, Basey, San Jorge, at Calbayog sa Samar; Laoang sa Northern Samar; Sirawai sa Zamboanga del Norte; at Tubod sa Lanao del Norte. VERLIN RUIZ