(Death toll: pito na) 51K NAAPEKTUHAN NG BAGYONG AGHON

UMAKYAT na sa pito ang bilang ng nasawi sa pananalasa ng Tropical Storm Aghon sa Pilipinas habang nasa mahigit 51 libong indibiduwal naman ang naapektuhan ng bagyo habang tinatahak ang direksyon palabas ng Philippine area of responsibility.

Karamihan ng naitalang nasawi ay mula sa Quezon province kung saan tatlo rito ang nabagsakan ng mga tumumbang puno habang isang sampung buwang gulang na sanggol na lalaki ang nalunod.

Isang 52-anyos lalaki ang natagpuang lumulutang sa ilog habang isa pang 22-anyos naman ang nakita nakalutang sa tubig baha.

Humabol sa talaan ang isang mag-aaral na nadaganan ng puno sa Misamis Oriental sa Mindanao.

Samantala, sa talaan ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) ay umaabot sa kabuuang 51,659 katao o 16,336 pamilya ang apektado na ng bagyong Aghon .

Sa panibagong report, sinabi ng ahensya na karamihan ng apektadong populasyon ay naitala sa Calabarzon na nasa 25,980 at sa Bicol na nasa 10,476.

Sa mga apektadong indibidwal, nanunuluyan pansamantala ang nasa 14,816 katao o 3,878 pamilya habang 6,409 pamilya o 1,585 indibidwal ang lumikas sa ibang lugar.

Mayroong 22 bahay naman sa Eastern Visayas ang napinsala.

Sinuspinde naman ang klase sa 117 lugar at trabaho sa 72 lugar dahil sa bagyong Aghon.

Nakapagpamahagi naman ang pamahalaan ng mahigit P4 milyon sa mga biktima ng bagyo sa CALABARZON, MIMAROPA, Bicol, and Central Visayas. VERLIN RUIZ