DEATH TOLL SA BAGYONG USMAN LUMOLOBO PA

death toll

ALBAY – PINANGA­NGAMBAHANG sumampa o humigit pa sa 50 ang nasawi sa paghagupit ng Bagyong Usman sa Bicol region, Eastern Visayas at maging sa Mindoro provinces.

Sa unang report ng Office of Civil Defense (OCD), mahigit 30 na ang bilang ng mga nasawi subalit patuloy na nadaragdagan ito.

Sinabi ni National Disaster Risk Reduction Management Council spokesperson Edgar Posadas karamihan sa mga inulat na nasawi ay biktima ng landslides.

Sa datos na ibinahagi ni OCD Bicol Director Claudio Yucot, sinabi nitong na­dagdagan pa ang 16 na nauna nang napaulat na nasawi sa nangyaring pagbaha at paguho ng lupa na naitala sa iba’t ibang lalawigan sa rehiyon.

Kabilang sa mga nasawi ang apat mula sa Sorsogon, sampu sa Camarines Sur matapos na matagpuan ang walong katawan mula ilalim ng guho sa Barangay Patitinan; sa Masbate, lima sa Baao, isa sa Garchitorena sa lalawigan ng Camarines Sur, at isa sa Basud.

Nadagdagan din aniya ang namatay sa lalawigan ng Albay mula sa tatlo na nga­yon ay umakyat na sa walo matapos marekober ang limang bangkay mula sa gumuhong lupa sa Barangay Sugod sa bayan ng Tiwi.

Isang Ricardo Mancera ng bayan ng Goa town sa Camarines Sur ang namatay naman sa pagkalunod.

KUKUHA NG SUWELDO BIKTIMA NG LANDSLIDE SA SORSOGON

Habang isinusulat ito ay hinuhukay ng mga tauhan ng Tomas Ranola Construction na natabunan ng gumuhong lupa sa Sitio Bgy Osiao, Bacon District Sorsogon habang naglalakad patungo sa kanilang opisina sa Barangay Pangpang  para kumuha ng sahod ayon sa City Disaster Risk reduction Mangement Ofice (CDRRMO).

Dagdag pa ni Yucot, sa kasalukuyan ay patuloy pang pinaghahanap ang 11 residente na nawawala mula sa bayan ng Tiwi, Albay habang 17 pa sa landslide na nangyari sa Barangay Patitinan.

Iginiit naman ng opisyal na bago duma­ting ang naturang sama ng panahon ay pinayuhan nang lumikas ang mga residente sa flood at landslide prone areas.

PINAKAMATIN­DING TINAMAAN SA SAMAR TINUKOY

Tinukoy naman ni OCD Region 8 Director Henry Torres ang mga pinakatinamaan ng Bagyong Usman sa kanilang nasasakupan.

“Worst hit dito sa amin ay ang bayan ng Lope de Vega na naging sentro ng pagbaha at ang karaniwang sanhi ay malakas na hangin at pag-ulan. Nananatili naman ang mga residente sa kanilang bubong dahil sa malawakang pagbaha.

Aniya, anim ang naitalang nasawi sa nasabing rehiyon, kabilang ang tatlong biktima sa landslide, isa ang nalunod sa Lope De Vega habang dalawa ang nalunod sa bayan ng Paranas sa Western Samar at tatlo ang missing sa Lope De Vega,” ayon kay Torres.

Dagdag pa ni Torres may nahulog sa bangka sa bayan ng Victoria. VERLIN RUIZ

Comments are closed.