DEATH TOLL SA MACO LANDSLIDES LUMOBO PA SA 27

DAVAO DE ORO -PATULOY na nadaragdaganang bilang ng mga nasawi matapos silang malibing ng buhay kasunod ng nangyaring landslide sa Zone 1 Brgy. Masara, Maco.

Sa monitoring ng Maco Municipal Disaster and Risk Reduction Management Office, pumalo na sa 27 ang bilang ng mga indibidwal na napatay sa naturang trahedya.

Umakyat na rin sa 32 ang bilang ng mga nasugatan indibidwal, habang nasa 89 katao pa ang pinaghahanap.

Nilinaw naman ng Office of Civil Defense na posibleng magbago pa ang nasabing bilang dahil sumasailalim pa ang mga datos sa validation ng National Disaster Risk Reduction Management Council.

Kung maaalala, kamakalawa ng umaga ay nasagip ng buhay ng mga otoridad ang isang tatlong taong batang babae dalawang araw matapos ang nangyaring pagguho ng lupa sa naturang lugar.

Dahil dito ay mas pinalawig pa ng Maco MDRRMO ang kanilang search and rescue operations sa pag-asang may maisasagip pa silang mas maraming buhay mula sa ilalim ng guho. VERLIN RUIZ