DEATH TOLL SA MINDANAO QUAKE NASA 23 NA

Lindol

LUMOBO  sa 23 ang bilang ng mga namatay sa pagtama ng magnitude 6.6 at 6.5 na mga lindol na yumanig sa ilang bahagi ng Min­danao nitong nakalipas na linggo sa datos ng awtoridad.

Habang nasa sampu ang nawawala, dalawa rito ay mula sa Davao at walo naman sa Cotabato.

Kasalukuyang nagpapatuloy ang malalakas na pag-ulan sa mga nasabing area kaya naantala ang search, rescue and retrieval operation ng  awtoridad.

Labimpito sa mga nasawi ay mula sa lalawigan ng Cotabato  ayon sa provincial Disaster Risk Reduction Ma­nagement Office, anim naman ay mula sa Davao region, ayon sa datos na ibinahagi ni Office of Civil Defense regional director Manuel Luis Ochotorena.

Magugunitang tatlong magkakasunod at malalakas na lindol ang naitala nitong nakalipas na Oktubre kung saan ay 6.3-magnitude noong  Oktubre 16; 6.6 at 6.5 magnitude earthquake ang magkasunod na yumanig sa ilang lugar sa Eastern at Central Min­dnao noong  Oktubre 29 at 31.

Sa huling ulat ng NDRRMC nasa 423 na ang bilang ng mga sugatan, 189 katao ang nasugatan sa Cotabato kung saan natukoy ang epicenter ng lindol kaya kinailangang ilikas ang may 24,973 pamilya.

Sa Davao region, may 1,191 pamilya o 4,964 katao ang na-displaced habang may  2,722 households ang piniling manatili sa gilid o tabi ng kanilang mga bahay sa takot na matulog sa loob ng kanilang mga bahay. VERLIN RUIZ

Comments are closed.