PUMAPALO na sa mahigit 900 ang bilang ng mga nasawi dahil sa 2019 novel coronavirus acute respiratory disease (2019-nCoV-ARD).
Sa nakalipas na magdamag, 99 ang naitalang panibagong nasawi sa China kaya’t umakyat na sa 908 ang death toll.
Ang dalawa pang nasawi ay mula sa Filipinas at Hong Kong.
Dahil sa nasabing bilang ng mga nasawi sa 2019-nCoV-ARD, nahigitan na nito ang death toll sa Middle East respiratory syndrome coronavirus (MERS-CoV) noong 2012 na nasa 858.
Umaabot naman sa 40,234 ang naitalang bilang ng kaso ng 2019-nCoV-ARD mula sa iba’t ibang panig ng mundo.
Sa naturang bilang, halos 40,000 ang naitala sa China habang 27 bansa ang apektado na rin ng 2019-nCoV-ARD.
Ang Japan ay ikalawang bansang nakapagtala ng pinakamaraming kaso ng 2019-nCoV-ARD na nasa 96, sumunod ang Singapore –43, at Hong Kong –36.
Samantala, nilinaw naman ni Health Undersecretary at Spokesperson Eric Domingo na hindi pa itinuturing ng WHO na airborne infection ang 2019-nCoV-ARD.
Ayon kay Domingo, wala pang nakikitang matibay na ebidensiya na magpapakita na airborne na nga ang nCoV at pinag-aaralan pa rin umano ito ng WHO hanggang sa ngayon.
“I did ask for information about this from the WHO office and they said that there’s nothing conclusive about it at this time,” ani Domingo. “Until we are given any hard evidence, right now the WHO has not classified it as an airborne infection,” aniya pa.
Sa kabila naman nito, sinabi rin ni Domingo na wala rin namang masama kung magkakaroon na ng kaukulang pag-iingat hinggil dito.
Paglilinaw pa niya, hanggang ngayon ay wala pa ring local transmission ng sakit sa bansa.
Una nang iniulat ng ilang international media na maaaring airborne na ang nCoV virus. DWIZ882
Comments are closed.