(Death toll sa PNP 126 na) PULIS NA MAY KIDNEY DISEASE PATAY SA COVID-19

NUEVA ECIJA-ISANG araw lang ay pumanaw na ang 38-anyos na pulis may kidney disease nang ma-detect na dinapuan ito ng COVID-19.

Dahil dito, pumalo na sa 126 ang nasawi sa nasabing virus sa Philippine National Police (PNP).
Ito ang una ngayong taon na kung saan ay naitala ang huling mahigit dalawang buwang zero deaths sa police force na ika-125 noong Nobyembre 10, 2021 at ang unang nasawi ay nai-record noong Abril 2020.

Nagluluksa naman ang buong PNP sa pagkasawi ni Patient No. 126 habang patuloy ang pagbibigay ng payo ng liderato ng police force sa mga apektadong personnel na sundin ang medikasyon at tapusin ang isolation day.

Sa datos ng PNP-Health Service, si Patient 126 ay naka-assign sa Jaen Police Station, Nueva Ecija na may ranggong staff sergeant.

Nadiskubreng COVID-19 positive ang pulis nitong Enero 13 at kinabukasan ay pumanaw na dahil sa respiratory failure dahil sa nasabing virus.

Nalaman din na with comorbidity ang pulis dahil sa sakit nito sa bato.

Samantala, nabawasan pa ang aktibong kaso sa PNP mula sa dating 3,796 kahapon, ngayon ay nasa 3,615 na lang makaraang 503 pang pulis ang gumaling at nakalabas na sa mga isolation at quarantine facilities.

Kabuuang 42,550 pulis ang nakarekober sa sakit habang 323 naman ang bagong dinapuan ng COVID-19 kaya ang total cases sa PNP ay pumalo na sa 46,291 na. EUNICE CELARIO