SASALANG sa tatlong oras na debate na ikinasa ng Commission on Elections (Comelec) ang mga kumakandidato sa pagka-presidente ng bansa sa darating na Marso 19.
Sinabi ni Comelec spokesperson James Jimenez na sa tatlong oras na debate, isa ang magiging moderator at walang live na audience.
“The 3-hour debates will follow a single-moderator format, with no live audience,” anunsiyo nito.
Hindi pa isinasapubliko ni Jimenez kung anong oras at saan idaraos ang presidential debates.
Magkakaroon aniya ng draw lots o palabunutan kung kanino ibabato ang unang tanong at ang mga susunod na katanungan ay sasagutin na ng mga kandidato na alphabetical ang pagkakasunod-sunod.
“Draw lots will determine to whom the first question will go. Succeeding questions, however, will be answered by the candidates in their alphabetical order,” dagdag pa ni Jimenez.
Ang unang presidential debates ay sa Marso 19 at ang ikalawang debate nila ay itinakda sa Abril 3. Ang vice presidential debate naman ay itinakda sa Marso 20.
Sa bawat debate ay mayroong inihanda ang Comelec na partikular na topic o punto ng pagdedebatehan hinggil sa mga problema ng bansa tulad ng pandemya at ekonomiya.
Ang mga tanong ay galing sa mga sektor na apektado ng mga problema ng bansa.
“Each debate is anchored on a set of predetermined topics on pressing concerns of the country, such as pandemic and the economy, and the pool of questions will come from the concerned sector groups,” pahayag ni Jimenez. JEFF GALLOS