TINIYAK ni Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity Secretary Carlito Galvez Jr. na magiging maayos at mapayapa ang nakatakdang pagdidisarma sa mga dating armadong tauhan ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Ayon kay OPAPRU Secretary Carlito Galvez , may nakalatag na kongkretong plano ang pamahalaan hinggil sa isasagawang decommissioning ng mga MILF combatants.
Paliwanag ng kalihim, may isang independent decommissioning body ang nilikha para matiyak na magkakaroon ng antas ng tiwala at kumpiyansa sa proseso ang mga dating mandirigma.
Layunin nito na pabilisin pa ang proseso ng decommissioning sa pamamagitan ng Independent Decommissioning Body.
Sinabi pa ng kalihim na sa sistemang gagamitin nang itinatag ng Independent Decommissioning Body ay matitiyak ang integridad sa proseso at mapadali ang maayos na paglipat ng mga mandirigma mula sa kanilang pagkakakilanlang gerilya patungo sa kanilang paglipat sa buhay sibilyan.
Aniya, pinabibilis ng OPAPRU ang proseso dahil ang unang regular na Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) elections ay wala pang dalawang taon.
Bukod dito, ang decommissioning na nasa ilalim ng Normalization Track ay sumasaklaw sa “whole-of-government, whole-of-society” approach na pinamumunuan ng OPAPRU sa pakikipagtulungan ng concerned line agencies.
Kaugnay nito, ipinunto rin ni Galvez na ang decommissioning ay isinasagawa kasabay ng mga programa ng gobyerno sa small arms and light weapons (SALW) at ang disbandment ng private armed groups (DPAGs). VERLIN RUIZ