MAGLALABAS na ng desisyon ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa hirit na dagdag-pasahe sa public utility vehicles (PUVs) sa susunod na linggo.
“Tuesday, definitely in the afternoon, after the hearing maglalabas na kami ng desisyon,” sabi ni LTFRB chairperson Teofilo Guadiz.
Ayon kay Guadiz, inatasan ng regulator ang mga petitioner na magsumite ng mga karagdagang dokumento.
Dalawang magkahiwalay na petisyon ang dinidinig ng LTFRB para sa PUV fare hike
Ang unang petition ay ang P2 fare increase para sa unang apat na kilometro ng biyahe ng iba’t ibang moda ng public transportation sa buong bansa, na inihain ng Liga ng Transportasyon at Operators sa Pilipinas, Pagkakaisa ng mga Tsuper at Operators Nationwide, Stop & Go Transport Coalition, at ng Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines.
Ang isa pang petisyon ay para sa provisional fare hike na P1 sa minimum fare habang ang main petition na P5 taas-pasahe ay nakabimbin.
Ang mga petitioner ay ang Pasang Masda, Alliance of Concerned Transport Organization (ACTO) at Alliance of Transport Operators’ & Drivers’ Association of the Philippines (ALTODAP).