NAKATAKDANG ilabas ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang resolusyon sa petisyon na taas-pasahe sa Public Utility Jeepneys (PUJs) sa mga susunod na araw, ayon kay LTFRB Chairman Atty. Cheloy Velicaria-Garafil.
Kasunod ito ng isinagawang pagdinig sa petisyon noong ika-18 ng Agosto kung saan hiniling ng grupo ng PUJ operators ang nasa P5 hanggang P6 na dagdag-singil sa pamasahe. Kabilang ito sa pitong petisyon na inihain ng transport groups simula noong nakaraang taon.
Ayon sa LTFRB, hinihintay ng ahensiya ang position paper ng PUJ groups upang masimulan nang mapagdesisyunan ang kanilang petisyon. Mayroon pang hanggang ika-3 ng Setyembre ang transport groups para magpasa ng position paper.
Natanggap na rin ng LTFRB ang posisyon ng National Economic Development Authority (NEDA) kaugnay sa hiling na taas-pasahe.
Kinikilala naman ni LTFRB Chairman Garafil ang pangangailangan na itaas ang pamasahe sa PUJs bagama’t may Memorandum Circular No. 2019-035 kung saan nakasaad ang formula sa fare adjustment, may probisyon din na maaaring hindi masunod ang MC dahil sa iba pang salik na hindi kasama sa pag-aaral ng fare adjustment tulad ng socioeconomic factors na umusbong nang tumama ang pandemya sa bansa.
Sa kabila nito, sinabi ni Garafil na bagaman kailangang magtaas ng pamasahe, kailangan ding pag-aralan ang magiging epekto nito sa ekonomiya at sa purchasing power ng mga pasahero oras na madagdagan ang minimum fare sa PUJs.
Patuloy naman ang LTFRB sa pag-aaral at paggawa ng mga hakbang upang mapabuti ang kalagayan ng Public Utility Vehicle (PUVs) operators at drivers, at ng mga pasahero para sa ikauusbong ng pampublikong transportasyon.
BENEDICT ABAYGAR, JR.