BILANG solusyon sa nararanasang krisis sa tubig sa Metro Manila pinayagan na ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) na gumamit ng deep well.
Sinabi ni DENR Undersecretary Benny Antiporda na pinahintulutan ng ahensiya ang MWSS na gamitin ang deep well upang makakuha ng tubig na maaari nitong isuplay sa kanyang mga water concessionaire na Maynila at Manila Water.
May 30 milyong litro ng tubig ang maaring gamitin ng MWSS sa araw araw sa sandaling buksan ang mga deep well na pinayagan ng DENR.
Ipinaliwanag pa ni Antiporda na sa katapusan ng Abril 2019 ay may karagdagang 50 milyong litrong tubig mula sa deep well ang maaaring gamitin ng MWSS kada araw na tatagal hanggang Oktubre ng kasalukuyan taon.
“Pagkatapos ng Abril may karagdagang 50 milyong liters ng tubig ang maaaring gamitin ng MWSS sa deep well kada araw upang mapunan ang krisis sa tubig,” dagdag pa ni Antiporda.
Nauna rito, ipinag-utos na ni Pangulong Rodrigo Duterte sa MWSS na pakilusin ang Manila Water at Maynilad upang maibsan ang nararanasang water shortage sa Metro Manila at mga bayan sa Rizal.
Sinabi pa ni Antiporda na ang MWSS lamang ang binigyan ng DENR ng permit para gumamit ng deep well at walang ibang pribadong kompanya ang maaaring gumamit nito.
Pinaalalahanan nito ang publiko na sa sandaling magsimula ang paggamit ng deep well, hindi ito maaaring inumin at maaari lamang gamiting panlaba, pampaligo at pagdidilig ng mga halaman. BEN-EDICT ABAYGAR, JR.
Comments are closed.