KASALUKUYANG pinag-aaralan na ng Defense Department ang pagbili ng karagdagang fighter jets mula sa South Korea.
Inihayag ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na 12 FA-50 jets ang inisyal na target nila.
Nakita aniya kasi mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte kung gaano kaepektibo ito noong sumiklab ang gulo sa Marawi City.
Bagaman wala pang pinal na desisyon para sa karagdagang sasakyang pandigma, sinabi ng kalihim na malaking tulong ito sa defense capability ng bansa sakaling matutuloy.
Nabatid na bukod sa fighter planes ay nakatakda rin bumili ng mga bagong chopper ang gobyerno para lalong mapalakas ang air capability ng Armed Forces of the Philippines.
Samantala, isang senior official ang nagsabing inaprobahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang second horizon ng AFP modernization program noong nakalipas na buwan.
Nakapaloob umanong mga proyekto sa ilalim ng “Horizon 2” ang pagbili ng dalawang squadrons ng MRF at Frigate. VERLIN RUIZ
Comments are closed.