BATANGAS- INIULAT ng State Volcanologist (SV) na na-monitor nito ang pagtaas ng degassing activity mula sa Taal Volcano sa lalawigang ito.
Dahil dito, ibinabala ng Seismic Bureau (SB) ang posibleng pagkalat ng smog o vog sa mga kalapit na lugar.
Sa isang advisory, ang pangunahing bunganga ng bulkan ay nagbuga ng 11,072 tonelada ng volcanic sulfur dioxide.
Ngunit mas mababa pa rin ito sa sulfur dioxide emission na 18,638 tonelada na naitala noong Marso 28.
Sinabi ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) na ang Taal Volcano ay patuloy na nagde-degas ng “voluminous concentrations” ng sulfur dioxide mula noong 2021 at naglabas ng average na 8,294 tonelada bawat araw ngayong taon.
Apektado ang bayan ng Alitagtag, Tingloy, San Nicolas, Laurel, Taysan, Lobo at Batangas City at naobserbahan sa field survey sa Agoncillo, Lemery, Taal, Santa Teresita, Alitagtag, Cuenca, Lipa, Balete, at Malvar, ayon pa sa PHIVOLCS.
“Prolonged exposure to volcanic SO2 can cause irritation of the eyes, throat and respiratory tract. People who may be particularly sensitive are those with health conditions such as asthma, lung disease and heart disease, the elderly, pregnant women and children,” babala ng PHIVOLCS.
Pinayuhan ng mga state volcanologist ang mga residenteng malapit sa bulkan na manatili sa loob ng bahay at magsara ng mga bintana upang maiwasan ang paglanghap ng volcanic gas.
Idinagdag nito na ang pagsusuot ng N95 mask ay lubos na hinihikayat at ang pag-inom ng maraming tubig ay makakatulong upang mabawasan ang anumang pangangati sa lalamunan.
Nananatili sa ilalim ng Alert Level 1 ang Bulkang Taal, ngunit binabalaan pa rin ang publiko sa mga posibleng panganib tulad ng biglaang pagsabog ng phreatic, volcanic earthquakes, minor ashfall, at lethal accumulations o expulsions ng volcanic gas.
Ang pagpasok sa Taal Volcano Island at ang permanenteng danger zone ay ipinagbabawal, at ang paligid ng bulkan ay isang no-fly zone. EVELYN GARCIA