MAITUTURING na ang kasaysayan ng Pilipinas ay tulad ng pahina ng isang aklat na bumubuo ng diwa at pagkakakilanlan ng ating bansa.
Ito’y hindi lamang koleksiyon ng mga nakalipas na pangyayari, kundi masasabing pinto patungo sa pag-unlad at pagkakaisa ng sambayanang Pilipino.
Sa pagsusuri at pagpapahalaga sa ating kasaysayan, natututunan natin ang halaga ng pagmamahal sa bayan at ang pagiging handa sa mga hamon sa hinaharap.
Ang pangunahing papel ng kasaysayan ay magsilbing guro at gabay. Ito’y naglalarawan ng ating mga kabayanihan, pagkakamit ng kalayaan, at mga pagkakamali na nagbukas ng landas para sa mas makatarungan at mas malaya nating kinabukasan.
Ang pagpapahalaga sa ating kasaysayan, tulad ng ginagawa ng administrasyon ni Pang. Ferdinand Marcos Jr., ay pagpapahalaga rin sa mga leksiyon na nagbigay hugis sa ating bansa.
Kamakailan, naglabas ng Proclamation No. 386 si Pangulong Marcos na nagdedeklara sa panahon mula 2023 hanggang 2033 bilang “Dekada ng Kasaysayan ng Pilipinas” na bahagi raw ng pagdiriwang ng ika-100 anibersaryo ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP) sa Oktubre 2033.
Sa ilalim ng proklamasyon, inatasan ang NHCP na pangunahan at pangasiwaan ang pagdiriwang ng “Dekada ng Kasaysayan ng Pilipinas,” kasama na rito ang pagtukoy sa mga programa, proyekto, at aktibidad na magiging bahagi ng okasyon.
Inatasan din ang lahat ng national government agencies at iba pa, kasama ang government-owned or -controlled corporations, government financial institutions, at state universities and colleges, na magbigay-suporta sa NHCP at makilahok sa pagdiriwang.
Malinaw sa proklamasyon na binibigyang halaga ang halos isang siglo nang kontribusyon ng mga dedikadong indibidwal na bumubuo sa NHCP.
Sa pamamagitan ng Executive Order 451 noong Oktubre 23, 1933, itinatag ang Philippine Historical Research and Markers Committee (PHRMC), na responsableng magtukoy, magtakda, at magmarka ng mga kultura at makasaysayang antikwaryo (antiquary) sa Pilipinas at pangalagaan ang mga ito para sa hinaharap.
Sa pagdaan ng mga taon, maraming pagsasanay ang isinakatuparan upang tugunan ang pangangailangan ng isang historical body na may mas malawak na mga gawain.
Sa ilalim ng Republic Act (RA) 10086, na nilagdaan noong 2010, ang NHCP ay naging isang independiyenteng ahensyang pampamahalaan na may responsibilidad sa pagpapanumbalik, pangangalaga, at proteksyon sa mga makasaysayang bagay ng bansa, pati na rin ang pagtukoy sa lahat ng factual na aspeto na may kinalaman sa opisyal na kasaysayan ng Pilipinas.
Ang ika-100 anibersaryo ng NHCP sa Oktubre 23, 2033, ay magiging pagpupugay sa isang siglo mula nang itatag ang kanyang unang pangunahing ahensya, ang PHRMC.
Sa kabuuan, ang pagdedeklara ni Pangulong Marcos ng “Dekada ng Kasaysayan ng Pilipinas” ay isang malaking hakbang tungo sa mas masusing pag-aaral at pagsusuri ng ating kasaysayan. Ito ay hindi lamang pagbibigay diin sa nakaraan kundi isang pagpapahalaga sa mga pundasyon na nagbukas ng pinto patungo sa ating kinabukasan.
Sa pagkakaisa at pakikiisa, maaari nating punan ang dekada ng kasaysayan ng Pilipinas ng mga kwento ng tagumpay, pagkakaisa, at pag-unlad na magsisilbing inspirasyon sa mga darating na henerasyon.