DELA PISA, 3 PA PSA MILO JUNIOR ATHLETES OF THE YEAR

Daniela dela Pisa

KIKILALANIN ang isa sa ‘most inspiring stories’ sa nakalipas na 30th  Southeast Asian Games sa SMC-PSA (Philippine Sportswriters Association) Annual Awards Night sa Centennial Hall ng Manila Hotel ngayong  weekend.

Sasamahan ni gymnastics gold medal winner Daniela dela Pisa sina tennis phenom Alex Eala, future grandmaster Daniel Quizon, at ace swimmer Miguel Barreto bilang MILO Junior Athletes of the Year sa March 6 gala night na inorganisa ng pinakamatandang media organization sa bansa, sa pamumuno ni  president Tito S. Talao, sports editor ng Manila Bulletin.

Si Dela Pisa, 16, ay umalis sa anino ni teammate at world champion Carlos Yulo upang kunin ang gold sa hoop final ng women’s rhythmic gymnastics competition ng katatapos na biennial meet. Ito ang nag-iisang gold na nasikwat ng Filipino gymnasts sa labas ng dalawang napanalunan ni Yulo (artistic all-around at floor).

Nakamit ng young Cebuana native ang tagumpay makaraang malabanan ang ovarian cancer sa kanyang murang edad na apat. Sa pamamagitan ng  chemotherapy at pagmamahal at all-out support ng kanyang pamilya, ipinagpatuloy niya ang kanyang pagkahilig sa sport sa paggabay ng kanyang inang si Darlene, isa ring dating gymnast, upang mara­ting ang kinalalagyan niya ngayon.

Nagwagi rin si Dela Pisa ng pares ng bronze sa rhythmic ball at clubs.

Hindi naman pahuhuli sina Eala, Quizon, at Barreto.

Ipinagpatuloy ng 14-anyos na si Eala ang kanyang meteoric rise sa world rankings, kung saan tinapos niya ang 2019 na no. 9 makaraang sumalang sa kanyang junior Grand Slam debut sa US Open.

Kabilang din si Eala sa listahan ng Tony Siddayao Awardees na kikilalanin sa  event na suportado ng Philippine Sports Commission, MILO, Cignal TV, Philippine Basketball Association, AirAsia, at Rain or Shine.

Si Quizon, 14, ay may International Master title at nagwagi siya ng  gold sa  U16 standard competition ng Eastern Asia Youth Chess Championships sa Bangkok. Siya rin ang best-placed Filipino sa blitz side event ng Asian Continental Chess Championship sa China kung saan dinaig niya ang tatlong Grandmasters na sina Wan Yunquo at Liu Yan ng China, at Venkataraman Karthik ng India.

Sa kasalukuyan, si Quizon ang pinakabata sa top 20 Filipino chess ­players sa bansa.

Comments are closed.