SINELYUHAN ni Filipina rower Joanie Delgaco ang kanyang puwesto sa quarterfinals ng women’s single sculls makaraang manguna sa repechage round sa 2024 Paris Olympics nitong Linggo sa Vaires-sur-Marne Nautical Stadium.
Maagang nakuha ni Delgaco ang momentum at hindi binitiwan ang kalamangan, kung saan naorasan siya ng pitong minuto at 55 segundo upang tumapos sa unang puwesto sa limang racers sa Heat 1.
Pasok din si Thi Hue Pham ng Vietnam sa quarterfinals makaraang pumangalawa kay Delgaco sa oras na 8 minuto at .97 segundo. Ang top two sa heat ang aabanre sa susunod na round.
Mainit ang naging simula ni Delgaco, ang kauna-unahang Filipina rower na sumabak sa Olympics, pareho kung paano siya nagsimula sa heats noong Sabado, kung saan una siyang dumating sa 500 meters sa oras na 1:52.04 seconds. Pagkalipas ng halos dalawang minuto, tinawid niya ang halfway mark tungo sa top-place outing.
Kinailangan ni Delgaco na dumaan sa repechage round, o sa wildcard round, makaraang kapusin sa outright quarterfinal spot sa Heat 2 noong Sabado. Nagtala siya ng pitong minuto at 56.26 segundo upang magtapos sa ika-4 na puwesto sa six-member field.
May isang araw na pahinga ang 26-anyos na rower bago ipagpatuloy ang kanyang makasaysayang kampanya sa Summer Games sa Martes para sa quarterfinals na nakatakda sa alas-3:30 ng hapon sa parehong venue.