NAGWAKAS na ang kampanya ni Joanie Delgaco sa 2024 Paris Olympics makaraang mangulelat sa quarterfinals ng women’s single sculls nitong Martes sa Vaires-sur-Marne Nautical Stadium.
Ang 26-year-old history-making Filipina rower ay naorasan ng 7 minuto at 58.30 segundo upang tumapos sa sixth sa six-woman heat. Tanging top three athletes sa bawat heat ang aabante sa semifinals.
Nanguna si reigning gold medalist Emma Tiwgg ng New Zealand sa heat na may 7 minuto at 26.89 segundo habang pumangalawa si Aurelia-Maxima Katharina Janzen ng Switzerland na may 7 minuto at 31.12 segundo.
Inangkin ni Virginia Diaz Rivas ng Spain ang huling semis spot makaraang maorasan ng 7 minuto at 34.01 segundo
Bukod kay Delgaco, sibak na rin sa medal contention sina Diana Dymchenko ng Azerbaijan (7:53.76) at Jovana Arsic ng Serbia (7:56.18) makaraang tumapos sa fourth at fifth.
Ang Filipina rower ay sasabak pa sa classification rounds upang madetermina ang kanyang final ranking sa Summer Games.