DAVAO CITY – Sa ikalawang pagkakataon ay nagtala ang Bicolanang long distance princess na si Leslie Delima ng perfect 3-of-3, habang gumawa si NCR swimming wonder Miguel Baretto ng perfect 7-of-7 sa penultimate day ng Palarong Pambansa rito.
Tatlong bagong meet records din ang naitala at tumudla si Chrisha Mae Merto ng apat na ginto sa archery.
Mataas ang morale sa panalo sa 3000m at 1500m kung saan muli niyang tinalo ang mahigpit na karibal na si Camela Tubiano ng Region 10, kinolekta ni Delima ang ikatlong ginto sa 800m sa oras na 2:18.13 upang maging unang triple gold winner sa Palaro.
“Lubos ang aking kasiyahan dahil nagawa kong ipanalo ang tatlong events na ginawa ko sa Baguio at Vigan. Tatlong araw nabasa sa pahayagan ang aking pangalan,” masayang pahayag ni Delima.
Ibinulsa naman ng kanyang dalawang kababayan na sina Janice Nemi at John Robert ang ginto sa 800m elementary girls sa oras na 2:26.26 seconds at tanso sa 800m elementary boys sa oras 2:14.76 seconds, ayon sa pagkakasunod.
Kinuha naman ni Western Visayas pride Vince Jayson Buhayan ang ikatlong ginto sa 4x100m relay secondary boys, kasama sina Angelo Gediga, Anthony Ralph Lego at Tristan Ploffia sa oras 42.66 seconds.
Inangkin ng Calabarzon (Region IV-A) ang ginto sa 4x400m relay secondary boys sa oras na 3:21.66 seconds.
Samantala, gumawa ang Western Visayas ng record sa 4x100m relay secondary boys sa 42.66 seconds at binura ang lumang marka na 46.6 seconds na naitala ng NCR, habang nakopo ng quartet nina Vince Jayson Buhayan, Angelo Gediga, Anthony Ralph Lego at Tristan Ploffia ang ginto sa 4x400m relay secondary boys sa oras na 3:55.33 seconds.
Dinomina ng Big City athletes ang 4x400m relay elementary boys sa kabayanihan nina Melvin Modar, Aaron Prince Angeles, Rich Oliverio at John Menaro Merced sa oras na 3:55.33 seconds.
Kasalukuyang nangunguna ang perennial champion NCR na may 64-61-42, sumusunod ang Region IV-A (Calabarzon) sa 48-38-66, Western Visayas sa 44-24-43, at Bicol Region na may 21-18-27. Ang host Davao ay nakakuha ng 10-16-25. CLYDE MARIANO
Comments are closed.