DELINGKWENTENG MOTORCYCLE RIDERS PINAGHUHULI NG LTO

UMABOT na sa 41 motorsiklo ang na- impound ng Land Transportation Office kasunod ng pagsisimula ng mahigpit na pagpapatupad ng ‘No Registration, No Travel’ policy nitong Lunes.

Nahuli ang mga ito mula sa Metro Manila kung saan nagmula ang may pinakamataas na naitalang bilang ng delingkwenteng motorcycle vehicles

Ayon kay LTO Chief Assistant Secretary Atty. Vigor Mendoza II, handang palawakin ang agresibong operasyon sa buong bansa.

“Napakaraming motorsiklo ang hindi rehistrado at batay sa ating record, marami sa mga ito ay hindi nakarehistro ng isa hanggang limang taon. Hindi natin papayagan ito at makakaasa ang ating mga kababayan na gagawa tayo ng mga aksyon upang mapilitan ang mga may-ari nito na magparehistro,” saad ni Mendoza.

Mayroong tinatayang 24.7 milyong delinquent vehicles o may ari ng mga sasakyan ang hindi makapagpakita ng kanilang mga kaukulang papeles o tumatangging ipakita ang registration ng kanilang mga motorsiklo.

Napag-alamang karamihan sa mga delinquent motor vehicles batay na rin sa record ng LTO ay pawang mga motorcycle.

Nagsimula na ring magpakalat ang LTO-Law Enforcement Section (LES) ng kanilang mga tauhan sa mga lugar na madalas dinadaan ng mga nagmomotorsiklong kulang ang papeles gaya ng Katipunan Avenue at Aurora Boulevard.

“The operation we conducted in Metro Manila should serve as a warning to all delinquent motor vehicle owners to register them in the soonest possible time. Huwag na ninyong hintayin pa na mahuli kayo dahil mas malalang problema ang kakaharapin ninyo,” pahayag pa ni Mendoza. BENEDICT ABAYGAR, JR.