UNTI-unti nang nararamdaman ang init ng panahon ngayon kung kaya’t unti-unti na rin nagsusulputan ang iba’t ibang panindang palamig sa bawat kanto.
Katulad na lamang ng mais con yelo, sago at gulaman, buko juice, halu-halo at kung anu-ano pa.
At dito nga sa bayan ng Rosario sa Cavite may isang tindahan ng halo-halo ang dinarayo lalo na ng mga bata.
Dahil bukod sa masarap at malinamnam ang tindang halo-halo ay napakamura pa.
Sa halagang limang piso lamang ay makakakain ka na nang delisyosong halo-halo.
Ang nasa likod ng panindang ito ay si Remie Pancito, 31-anyos, may asawa at tatlong anak na tubong Lacarlota, Negros Occidental
Ayon kay Aling Remie, labing-dalawang taon na siyang naninirahan sa Isla Bonita, Brgy. Silangan at ang pagtitinda ng halo-halo na ang kanyang kabuhayan.
Dito niya ginugol ang oras para sa pagtimpla at paggawa ng masarap na sangkap sa halo-halo.
Kabilang sa mga sangkap ay ang nilagang saging, sago’t gulaman, monggo, ube, leche-plan, pinipig, melon, nata de coco at pinaghalong gatas na malapot at malabnaw.
Sa sobrang sarap, mabilis na nauubos ang tindang halo-halo ni Aling Remie.
Abot-kaya naman talaga ang presyo nito sa halagang P5 at kumikita siya ng halagang P900 bawat araw.
At dahil sa pandemya, nauso ang food delivery kung kaya’t may free delivery din siyang alok sa kanyang mga suki basta hanggang Rosario lang at may minimum order na P100.
Gamit ang pedicab ng kanyang kapatid, idedeliver na ito sa bawat bahay ng mga customer.
Sa panahon ngayon, sa tindang halo-halo ni aling Remie ay may halaga pa talaga ang limang piso.
Dahil sa limang-piso makakakain ka pa ng hinahanap-hanap mong masarap na halo-halo. SID SAMANIEGO