LAGUNA- ISANG ahente ng money remmittance center ang na holdap habang ito’y nagde-deliver ng perang padala ng isang overseas Filipino worker (OFW) para sa pamilya nito sa Barangay Lamot 1, Calauan.
Kinilala ng pulisya ang biktima na si Jerrie Montiero Alzona , 22, binata at residente ng Alabang, Metro Manila.
Nakuha kay Alzona ang halagang P27, 056.91 ng dalawang ‘di pa nakikilalang lalaki na naunang hiningan ng tulong ni Alzona hinggil sa kung saan ang matatagpuan ang bahay ng kanyang pagdadalahan sana ng pera.
Itinuro umano ng mga suspek sa biktima ang direksyon ng bahay na hinahanap ngunit hindi alam ng biktima na may balak na pala siyang holdapin.
Nang makarating na ang biktima sa isang niyugan, bigla na lang umanong sumulpot ang mga suspek at nagkunwaring mamamasko sa delivery rider.
Nang aabutan na ng pera ni Alzona ang mga suspek saka naman nagdeklara ang mga ito ng holdap at mabilis na tinangay ang pouch bag na naglalaman ng mga perang ipinadadala ng mga OFW. ARMAN CAMBE