DELIVERY, TAKE-OUT AT DRIVE-THRU SERVICES OK NA SA NAVOTAS

Take Out

PWEDE na ang delivery, take-out at drive-thru services ng restaurants at iba pang food establishments kahit lumagpas pa sa curfew hours sa Navotas City.

Gayundin, inatasan naman ang groceries at iba pang pamilihan na tingnan kung may home quarantine pass ang kanilang mga kostumer.

Nakapaloob sa Executive Order No. 044,  pinapayagan na ang mga food establishments na mag-operate lagpas sa curfew hours upang makapag-deliver ng pagkain sa loob at labas ng lungsod, at makapagsilbi ng take-out at drive-thru servi­ces only sa mga authorized persons outside of residence (APOR).

Sakop din ng order ang mga kainan sa loob ng grocery stores at supermarkets na mayroong delivery services.

Gayunpaman, ang dine-in lagpas sa curfew hours ay ipinagbabawal, at ang mga hindi APOR ay bawal ding bumili ng pagkaing take-out o drive-thru mula 8pm-5am.

Mahigpit na ipatupad ng mga food establishment ang social distancing at iba pang safety protocols, at kailangan ding magsagawa ng masusi at regular na sanitation at disinfection.

Samantala, nakasaad naman sa Executive Order No. 043 na dapat hanapan ng mga pamilihan ang kanilang mga kostumer ng home quarantine pass pagpasok pa lamang ng mga ito.

Unang ipinatupad ng Navotas ang nasabing estratehiya noong Mayo, nang isailalim ang lungsod sa extreme enhanced community quarantine dahil may ilang kumpirmadong may COVID-19 na nabukong namili, at ayon sa Contact Tracing Team ng lungsod, malaki ang tsansang mahawa ng virus sa mga pamilihan. VICK TANES

Comments are closed.