“NO one can legally prevent us from exercising our rights. Ang sa Pilipinas ay sa Pilipinas,” ito ang pahayag ni Senador Christopher “Bong” Go, bilang reaksiyon sa demand ng Chinese government sa Pilipinas na alisin ang grounded ship na BRP Sierra Madre mula sa Ayungin Shoal.
Nag-ugat ang pahayag ng senador sa isang insidente na naganap sa shoal, na matatagpuan sa West Philippine Sea, nang harangin ng mga barko ng Chinese Coast Guard at bombahin ng tubig ang mga barko ng Pilipinas na maghahatid sana ng mga bagong suplay ng pagkain para sa mga military personnel na nakaistasyon sa naturang grounded old Philippine Navy ship noong Nobyembre 16.
“I find this demand not acceptable. The Ayungin Shoal is part of the Kalayaan Group of Islands—an integral part of the Philippines. It belongs to us and it is ours to protect and use for the benefit of our people,” ayon pa kay Go, na siyang Vice Chairman ng Senate Committee on National Defense and Security, Peace, Unification and Reconciliation. Siya rin ay kasalukuyang miyembro ng Foreign Relations Committee ng Upper Chamber.
“Ipaglaban natin ang ating karapatan sa maayos at mapayapang paraan. I continue to urge our government to stay the course in asserting our national interests,” giit pa niya.
“I urge all stakeholders to exercise restraint and avoid increasing the tension and, instead, abide by our commitments and duties under international law. This is how responsible members of the international community should rightly comport themselves,” dagdag pa ni Go.
Consistent naman sa kanyang independent foreign policy, tinalakay na rin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang naturang insidente sa Ayungin Shoal sa dinaluhan niyang ASEAN-China Special Summit noong Lunes at sinabing, “We abhor the recent event in the Ayungin Shoal and view with grave concern other similar developments. This does not speak well of the relations between our nations and our partnership.”
“There is simply no other way out of this colossal problem but the rule of law,” ayon pa sa pangulo.
Tatlong makapangyarihang bansa na rin ang nagpalabas ng suporta sa Pilipinas kasunod ng naturang shoal incident, kabilang dito ang Estados Unidos, na muling pinagtibay ang kanilang treaty commitment sa Pilipinas, na ikinukonsidera nitong kaalyado, at sinabing ang,“armed attack on Philippine public vessels in the South China Sea would invoke US mutual defense commitments under Article IV of the 1951 US-Philippines Mutual Defense Treaty.”
Binigyang-diin naman ng Japan ang pangangailangan na mapayapang maayos ang naturang sigalot base sa international law habang nagpahayag naman ang Australia ng pagkabahala sa naturang destabilizing incidents at tiniyak ang suporta sa Pilipinas at sa 2016 arbitral ruling.
Noong 2016, pinawalang-saysay ng Arbitral Tribunal sa Permanent Court of Arbitration na nakabase sa The Hague, Netherlands, ang “nine-dash line” argument ng China, na ginagamit nito upang angkinin ang malaking bahagi ng West Philippine Sea.
Noong 1999 naman, isinadsad ng Philippine military ang World War II-era cruiser Sierra Madre sa Ayungin Shoal upang palakasin ang pag-angkin ng bansa sa naturang lugar, at upang magkaroon ng ligtas na masisilungan ang maliit na puwersa ng mga armadong personnel na nagbabantay roon.