DOUBLE time na ngayon ang mga litsunan sa La Loma, Quezon City.
Ito ay dahil mas tumaas pa ang demand ng lechon o dumami ang mga mamimili ng litson.
Ayon sa dating presidente ng Samahan ng Laloma Letchonero at isa sa may-ari ng Pingping Native Letchon na si Wiliam Maca Chua, nasa P1,400 ang kada kilo ng litson ngayon.
Nasa P7,000 naman ang pinakamura o pinakamaliit na lechon na tumitimbang ng 5 kilos samantalang ang 20 kilos ay nagkakahalaga ng P18,000.
Sinabi ni Chua na posibleng umabot sa halos kalahati ng kasalukuyang presyo ang itataas pa ng presyo ng lechon sa mga susunod na araw.
Dahil sa mataas na demand nito ngayong holiday season ay may posibilidad aniyang tumaas ang presyo ng sinusuplay na baboy sa kanila lalo’t nakaalpas na sa pinsala ng ASF ang mga hog raser.
Aniya, sa Dis 24, ang dating P7,000 na halaga ng lechon ay magiging P10,000 na o P3,000 ang ipapatong nila
Gayunman ay mayroon pa rin silang maibibigay sa halagang P7,000 na lechon sa mga costumer na naghahanap ng mura para maski paano ay masabi na may handa silang litson ay ito ay yaong mga hindi dekalidad o payat
Paliwanag ni Chua, hindi maiiwasan ang mga non-quality dahil kasama ito sa kanilang suplay na hindi nila puwedeng piliin o tanggihan dahil normal sa baboy na may payat kahit na anong pakain at alaga ang gawin subalit ligtas ito sa anumang sakit dahil dumaan sa NMIS ang mga baboy na kinatay.
JONAH ART SON