DEMO NG VOTING COUNTING MACHINES MATAGUMPAY

NAGING matagumpay ang demonstrasyon sa makabagong voting counting machines ng Miru Systems na gagamitin sa Midterm and BARMM Elections sa 2025.

Ang nasabing Korean company ay nag-iisang bidder para sa automated elections sa susunod na taon.

Upang masubukan ang efficiency nito, pinangasiwaan ni Commission on Elections (COMELEC) Chairman George Erwin Garcia ang demonstrasyon ng nasabing voting counting machine para sa mga opisyal at tauhan ng ALC Media Group sa headquarters  ng DWIZ 882AM at Aliw Channel 23

May mga kinatawan din mula sa PILIPINO Mirror at BusinessMirror sa nasabing demonstrasyon.

Sa physical feature pa lamang ng Miru voting machine ay malayong-malayo na sa dating VCM na ginagamit ng Pilipinas.

Una, diretso na sa boxes ang balota kapag ito ay na-fill out ng botante.

Kapag ito ay naipasok ay otomatikong nabibilang ang boto kapag na-scan.

User-friendly rin ang Miru VCM dahil kahit baliktad ang balota ay tatanggapin ito at mai-scan.

Sakali naman na nais i-check ang ibinoto at may nakaligtaan, bibigyan ng chance na rebyuhin sa pamamagitan ng screen.

Hihingan ka rin ng go signal kung igo-go na ang iyong boto at mayroon itong resibo para muling tignan ang iyong ibinoto saka ipapasok sa balota.

Samantala, nilinaw ni Garcia na hindi binili ng pamahalaan ang mga VCM kundi renta lamang at sakop sa kontrata ang maintenance maging ang printing.

Mabilis din anya ang resulta ng eleksyon lalo na’t segundo lamang ang kakainin kapag naipasok ang filled-out na balota sa VCM.

Makikita rin sa screen ng kada VCM kung ilan na ang bumoto at naipasok na balota kaya siguradong malinis ang halalan.

Isa pa sa maganda sa Miru VCM ay malaki ang matitipid ng pamahalaan na aabot sa P800 milyon.

Samantala sa panig ng COMELEC, hindi lang mga teacher na aakto sa election ang isasailalim sa  training sa paggamit ng Miru VCM kundi ang publiko na rin, ayon kay Garcia.

EUNICE CELARIO