DEMOLISYON SA BAHAY NG MGA MAGSASAKA SA PAMPANGA NAUWI SA KARAHASAN

NABALOT  ng tensyon matapos paulanan ng mga bato, bote at molotov ang puwersa ng pulisya at demolition team na pinangunahan ng sheriff ng Department of Agrarian Reform (DAR) Region 3 nang mag-demolis ng mga tahanan ng mga residente na binubuo karamihan ng mga pamilya ng magsasaka sa Sitio Balubad, Barangay Anunas sa Angeles City sa Pampanga.

Nakansela ang Certificate of Land Ownership Award (CLOA) ng agrarian reform beneficiaries (ARBs) dito na natalo sa kasuhan sa developer ng lupang kanilang kinatitirikan.

Ikinasa ang demolisyon sa mga tahanan ng dalawang libong pamilya sa naturang barangayngang sumiklab ang kaguluhan.Tinamaan pa umano ng molotov ang demolition team.

Naglagay ng mga barikada ang mga residente sa naturang lugar upang hadlangan ang anumang tangkang demolisyon ng DAR sa kanilang mga tahanan, at dalawang araw na umanong matindi ang tensyon sa naturang lugar.

Napuno ng galit ang mga residente ng naturang barangay sa unang salpukan na naganap ngayong linggo matapos magtangkang pumasok ang pulisya at demolition team sa naturang lugar.

Dahil sa patuloy na pambabato at tama ng molotov unti unting nagpulasan ang pwersa ng pulisya, habang patuloy silang binabato ng mga residente.

Giit ni Elisabeth Marasigan,Sheriff DAR Region 3, sumusunod lamang aniya sila sa desisyon ng Korte Suprema.

“Dumaan po yan sa Supreme Court may finality na po yan. Na-cancel na po ang titulo.Ang masasabi ko lang po trabaho ng sheriff to implement the writ of execution of demolition,dated May 6,2022.Dumaan po ito sa tamang proseso.At saka wala pong TRO para mag- stop ang sheriff,” ang sabi ni Marasigan.

Nasa 73 ektarya ang lupa na kinatitirikan ng mahigit limang daang bahay kung saan may dalawang libong pamilya ang nakatira, ayon sa mga opisyal ng Sitio Balubad Homeowners and Farmers Association.

Sinabi ni Marasigan na nakansela umano ang CLOA ng mga naturang ARBs noong panahon ng pandemic.Ang naturang CLOA ay naa-award umano sa mga ARBs sa naturang barangay sa panahon pa ng mga dating Pangulong Fidel V.Ramos,Joseph Estrada at Gloria Macapagal-Arroyo.

“Ang ipinagtataka rin po namin kung bakit na-cancel ang CLOA ng time ng pandemic. Hindi rin po na-inform ang mga farmers namin kung bakit na-cancel ang mga hawak naming CLOA,”ayon kay Mary Joy Paragas, ng Sitio Balubad Homeowners and Farmers Association.
Ayon sa DAR Region 3, 1997 pa nagsimula ang kaso sa lupain.2013 pa umano kinansela ng Korte Suprema ang CLOA rito nang matukoy na hindi agricultural kundi residential ang klasipikasyon ng naturang lugar.

Taon 2022 naman nang inilabas ng korte ang writ of demolition matapos matalo sa pakikipagkasuhan ang mga magsasaka sa developer ng naturang lupa na Clarkhills Properties Corporation.

Halos nabalot ng bubog ang kalsada ng naturang lugar dahil sa naganap na batuhan.

Nagsimula ang tensyon ng pasukin ng demolition team ang bahay ng isang Australian national.

Sa post sa Facebook ng alkalde ng lokal na pamahalaan ay sisikapin aniya nito ang pamamahagi ng matitirhan ng mga naturang apektadong residente dahil hindi mapakiusapan ang Clark Hills Properties Corporation na itigil muna ang demolisyon.

Ang itinuturong dahilan sa cancellation ng CLOA ay dahil sa maling pagklasipika umano ng naturang ari arian na naisailalim ng agrarian reform sa halip na mapasailalim sa housing program.

Samantala kinondena ng lokal na pamahalaan ng Angeles, Pampanga ang naturang “surprise demolition. Sa social media post ng Angeles City Information Office, sinabi aniya ni Mayor Carmelo Lazatin Jr. na hindi nagsumite ang developer ng hiniling nilang konkretong plano bago na-displace sa demolition ang mga naturang residente.Sa ngayon ay wala pang naitalang bilang kung ilan ang mga residente ang nawalan ng tahanan. MA. LUISA GARCIA