INILABAS sa social media ng nag-iisang Bulacan mayor na napabilang sa listahan ng narco politicians na ipinalabas ni Pangulong Rodrigo Duterte kamakailan, ang kanyang hinaing at naniniwalang politika ang nasa likod ng kanyang pagkakasama sa listahan bagaman malinis na ang kanyang pangalan sa pagkakasangkot sa ilegal na droga.
Sa kanyang Facebook account, sinabi ni Mayor Cipriano “Goto” Violago Jr. ng San Rafael, Bulacan na hindi na siya nagtataka kung mapabilang ang kanyang pangalan sa narco politicians dahil kagagawan ito ng kanyang kalaban sa mayoralty race.
Binigyan-diin ni Mayor Violago sa kanyang FB Account na malinis na ang kanyang pangalan sa municipal, provincial, regional hanggang sa Camp Crame kaugnay ng ibinabatong pagkakasangkot niya sa illegal drugs at “subject for delisting,” ngunit may humaharang umano nito sa Office of the President.
Maging si P/Senior Supt. Chito G. Bersaluna, Bulacan Police Director ay kinumpirmang malinis na ang pangalan ni Mayor Violago mula municipal hanggang provincial level hinggil sa pagkakasabit nito sa ilegal na droga.
Gayunpaman, buo ang paniniwala ni Mayor Violago na kanyang masusungkit sa ikatlong pagkakataon ang mayoralty race sa bayan ng San Rafael na binubuo ng 34 barangay.
Si Mayor Violago ang inaasahan pa ring magwawagi sa mayoralty race sa bayan ng San Rafael sa May 13 midterm elections sa pamamagitan ng landslide ngunit kumikilos ang kanyang kalaban sa politika para madiin ito sa pagkakasangkot sa ilegal na droga. A. BORLONGAN
Comments are closed.