DEMOTION, SIBAK SA SERBISYO ANG SUNDALONG PASOK SA VAWC

INAMIN ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na mayroon din tropa na nade-demote at natatanggal sa serbisyo depende sa tindi ng kasalanan o pasok sa Violence Against Women and Children (VAWC).

Ginawa ni AFP Spokesperson Colonel Francel Padilla ang pahayag kasunod ng kontrobersiyal na pagharang ng isang general’s wife sa promosyon ng kanyang mister.

Bagaman ayaw magkokomento ng AFP hinggil sa sinapit ni Brigadier General Ranulfo Sevilla na naudlot ang promosyon dahil inireklamo ng misis nito ng pang-aabuso, tiniyak naman ni Padilla na mayroon silang mga programa at panuntunan para maging maayos ang pakikutungo ng kanilang tropa sa pamilya, sa loob ng tahanan partikular sa kababaihan at kabataan.

“As far as AFP is concerned, we maintain seriously ang ganitong complaints especially sa protection ng women and children, so, mayroon tayong development office and we have institute program to strengthen enforcement of laws especially gender-based violence…talagang ipinatutupad namin iyan sa aming mga tropa, both officer and our troops,” pahayag ni Padilla sa isang TV interview.

Aminado rin si Padilla na naitatala ang kaso ng VAWC at mayroon na ring natanggal sa serbisyo at na-demote habang mayroon ding inilaang tamang forum kung saan idudulog kung biktima ng gender-based violence.

“Depende po sa gravity ng situation iyon po kung saan nag-file ng case pwedeng VAWC kapag ganun level we will elevate to proper authority, kapag minor officers doon po mayroon din tayong court martial, mayroon na tayong na-demote na diyan mayroon na tayong na-discharge, kapag bigger cases by law ibibigay natin iyan sa pulis,” diin pa ni Padilla.
EUNICE CELARIO