DENGUE AT LEPTOSPIROSIS, SAGOT NG PHILHEALTH

MULING  nagpaalala ang PhilHealth sa publiko na mayroon itong mga benepisyo para sa maoospital dahil sa dengue at leptospirosis, dalawa sa mga karaniwang sakit sa panahon ng tag-ulan.

Ayon sa pinakahuling ulat ng Department of Health, mahigit 80,000 kaso ng dengue at 2,000 kaso ng leptospirosis ang naitala sa bansa kamakailan.

Sagot ng PhilHealth hanggang P10,000 para sa dengue (with or without warning signs) at P16,000 para sa severe dengue. Samantala, P11,000 naman ang benepisyo nito para sa leptospirosis. Ayon sa pinakahuling datos ng ahensya (Hunyo 5, 2023), nagbayad ang PhilHealth ng mahigit P700 milyon para sa 76,000 dengue claims at P19 milyon para sa 1,654 claims para sa leptospirosis sa buong bansa.

Hinimok ni PhilHealth Chief Emmanuel R. Ledesma, Jr. ang publiko na gawin ang kaukulang pag-iingat para makaiwas sa dengue at leptospirosis sa pamamagitan ng pagiging malinis sa katawan at kapaligiran, pag-iwas sa paglusong sa baha, paglilinis ng mga lugar na maaaring pamugaran ng lamok, at iba pa. Pinaalala din niya ang kahalagahan ng agarang pagpapatingin sa duktor kung nakararamdam ng sintomas ng sakit.

“Huwag po nating ipagwalang bahala ang mga sintomas ng dengue at leptospirosis dahil delikadong sakit ang mga ito. Agad magpatingin at kung kinakailangang ma-confine ay huwag mag-alala dahil sagot namin ang mga ito”, ani Ledesma.

Hinikayat din niya ang publiko na magparehistro o mag-update ng rekord sa PhilHealth upang maiwasan ang abala sa paggamit ng mga benepisyo.