MAY sampung lungsod sa Metro Manila ang nakapagtala ng pagdami ng naitatalang dengue cases.
Ito ay batay sa inilabas ng Department of Health (DOH) na pinakahuling Dengue Surveillance Report sa National Capital Region (NCR).
Ayon sa DOH, kabilang sa mga naturang lungsod na nakapagtala ng pagdami ng dengue cases hanggang Agosto 3 ngayong taon, kumpara sa nakalipas na taon, ay ang Parañaque, Malabon, Taguig, Makati, Mandaluyong, Las Piñas, Muntinlupa, Pasay, Navotas at San Juan.
Nabatid na ang Taguig City ang may pinakamaraming naitalang kaso ng sakit mula Enero 1 hanggang Agosto 3, na umabot ng 102% na pagtaas o mula sa 243 kaso lamang noong 2018 ay naging 490 kaso ngayong taon.
Kasunod ang Malabon City na nakapagtala ng 82% increase, o mula sa dating 282 kaso noong 2018 ay naging 513 ngayong taon; Mandaluyong na may 77% increase, o mula 218 cases noong 2018 ay naging 386 ngayong taon; Muntinlupa City na may 70% increase o mula 185 cases noong 2018 ay naging 315 ngayong taon at Makati City na may 48% increase o mula 291 cases noong 2018 ay naging 430 ngayong taon.
Sa Navotas City naman ay mayroong 35% (105 kaso noong 2018 ay naging 142 ngayong taon), Parañaque City na may 27% increase (663 kaso noong 2018 ay naging 839 ngayong taon), Las Piñas City na may 21% (309 kaso noong 2018 ay naging 375 ngayong taon), Pasay City na may 18% increase (241 kaso noong 2018 ay naging 284 ngayong taon), at San Juan City na may 7% increase (87 kaso noong 2018 ay naging 93 ngayong taon).
Sinabi naman ng DOH na bagama’t tumaas ang bilang ng mga kaso ng dengue sa mga naturang lungsod ay mas mababa pa rin naman ito kumpara sa naitala nilang kabuuang kaso ng sakit kumpara noong nakaraang taon, dahil maraming lungsod ang nakapagtala ng mas mababang dengue cases.
Nabatid na sa kabuuan ay nakapagtala lamang ang DOH ng 10,394 kaso ng sakit sa National Capital Region (NCR) mula Enero 1 hanggang Agosto 3, na mas mababa ng 8% kumpara sa 11,247 kaso na naitala nila sa kahalintulad na petsa ng nakaraang taon.
“Overall, Metro-Manila is still below alert level threshold for this week,” anang DOH.
Samantala, sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III, na inalerto na nila ang local government units sa Metro Manila dahil inaasahang lalo pang darami ang mabibiktima ng sakit sa mga susunod na araw.
“Iyong ating (DOH)-NCR ay nakipagpulong sa mga NCR local chief executives para bigyan sila ng alerto or warning na pwedeng sumipa na dito sa Metro Manila or NCR. So, dapat mag-iingat,” anang kalihim.
Tiniyak din naman ng kalihim na handa ang mga pagamutan sa Metro Manila sakaling dumagsa ang mga dengue patients. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.