DENGUE CASES LUMOBO SA 300K

DENGUE

UMAKYAT na sa mahigit 300,000 ang naitalang dengue cases ng Department of Health (DOH) sa bansa.

Batay sa pinakahu­ling Dengue Surveillance Report, nabatid na mula Enero 1 hanggang Set­yembre 14, 2019 lamang ay umabot na sa kabuuang 307,704 ang mga kaso ng dengue na naitala nila.

Ayon sa DOH, mas mataas ito kumpara sa 142,783 na mga kaso lamang na naitala sa kaparehong panahon noong 2018.

Sa mga tinamaan ng dengue sa buong kapuluan, 1,247 na indibidwal na ang nasawi.

Halos doble ito ng 742 dengue deaths na naitala noong kaparehong panahon ng 2018.

Ayon sa DOH, pinakamaraming kaso ng mga namatay dahil sa dengue ay sa Western Visayas sa bilang na 214; sinundan ng Calabarzon kung saan 152 sa mga biktima ang nasawi. Sa National Capital Region, 122 ang mga namatay; at sa Central Visayas, 109 ang sumakabilang-buhay dahil sa dengue.

Tiniyak naman ng DOH na patuloy ang monitoring ng DOH sa mga rehiyon sa bansa na may mataas na dengue cases gaya sa Calabarzon na may pinakamaraming kaso sa bilang na 49,661.

Maging sa Western Visayas na may 49,068 cases; National Capital Region kung saan 23,251 ang tinamaan, at Central Luzon, 23,046 ang kaso ng dengue.

Una nang nag­deklara ng national dengue epidemic ang DOH sa bansa dahil sa patuloy na pagdami ng naitatalang kaso ng naturang sakit. ANA ROSARIO HERNANDEZ