SA kabila nang naunang pagdedeklara ng Department of Health (DOH) ng National Dengue Alert at pagdagdag sa bilang ng mga rehiyon na lumampas na sa tinaguriang ‘epidemic threshold’, sinabi ni Secretary Francisco Duque na nakikita nila sa ngayon na pababa na ang bilang ng naitatalang dengue cases sa bansa.
Ginawa ni Duque ang pahayag matapos ang kanyang pakikipagpulong sa mga kongresista na kumakatawan sa mga lalawigan na mayroong naitalang mataas na bilang ng mga taong nagkakasakit ng dengue.
Naganap ang nasabing meeting kamakalawa ng hapon, na pinamunuan ni House Majority Leader at Leyte Rep. Martin Romualdez, kung saan ti-nalakay nila ang mga hakbang na maaaring gawin para puksain ang naturang nakamamatay na sakit.
“The dengue scourge has affected region eight, particularly the Leyte and Samar provinces. We are very, very fortunate that Sec. Duque is here at the Office of House Majority Leader so we invited the members of the region eight bloc and as well as those from Iloilo and Zamboanga Sibugay where this scourge has also been very, very much felt,” panimulang sabi ng house majority leader sa kanilang pulong.
Ikinalugod naman ni Duque ang pagharap niya na ito sa mga miyembro ng Kamara de Representantes, na aniya ay magandang senyales na ang bawat isa ay sumusuporta sa kanilang kampanya at naghahangad ng agarang kalutasan o pagsugpo sa dengue.
Ayon sa Kalihim, base sa pinahuling datos na natanggap ng kanilang kagawaran, kapansin-pansin na pababa na umano ang bilang ng mga naitatalang dinapuan ng nasabing karamdaman.
Sa kabila nito, sinabi ni Duque na patuloy pa rin ang Health department sa pagpapadala ng mga makina at kaukulang kemikal na gamit para sa ‘mos-quito fogging operations’ sa iba’t ibang local government units (LGUs).
Para naman sa pagpapaabot ng tulong sa dengue patients, pinayuhan niya ang mga kongresista na himukin ang kanilang LGU na magkaroon ng kaukulang kasunduan kapwa sa public at private hospitals para sa pagkakaloob ng medical assistance sa kanilang mga nasasakupan na tinamaan ng den-gue virus.
Tiniyak ni Duque na patuloy ang pagpapalabas ng kanilang pondo para sa mga lalawigan kung saan mayroong mataas na kaso ng dengue partikular ang para sa pagtulong sa pagpapagamot at bayarin sa ospital ng mga pasyente.
Kapwa naniniwala sina Duque at Romualdez na isa sa pinakamahusay na paglaban sa denque ay ang tinatawag na ‘search and destroy operation’ sa mga lugar na maaari at palagiang pinamumugaran ng mga lamok at iginiit nila ang pangangailangan para sa lahat na gawin ito.
“Since dengue has become a public health emergency, it behooves us to mobilize the public to help address the problem. Each and everyone must do their part,” ang apela pa ni Leyte lawmaker.
Sa panig ng mga kongresista, inihayag ng mga ito ang kanilang kahandaan na suportahan ang hakbang sa paglalaan ng karagdagdang pondo para sa kampanya ng DOH kontra dengue.
Kabilang sa mga lugar na tinukoy ng DOH na lumapas na sa ‘epidemic threshold’ ang bilang ng dengue cases ay ang mga rehiyon ng Mimaropa, Western Visayas, Central Visayas, at Northern Mindanao.
Ang mga rehiyon naman ng Ilocos, Cagayan Valley, Calabarzon, Bicol, Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, Davao, Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), at Cordillera Administrative Region (CAR) ay lampas sa tinatawag na ‘alert threshold’. ROMER R. BUTUYAN
Comments are closed.