DENGUE CASES POSIBLENG TUMAAS

DENGUE-2

NAGBABALA ang Department of Health (DOH) sa publiko kaugnay ng posibilidad na tumaas ang bilang ng dengue cases at iba pang sakit sa bansa, dahil na rin sa pag-iimbak ng tubig ng mga residenteng dumaranas ng water crisis.

Kaya’t nananawagan si Health Secretary Francisco Duque III sa publiko na tiyaking palaging nakatakip ang mga nakaimbak nilang tubig dahil maaari itong maghatid ng iba’t ibang sakit at pamahayan pa ng mga lamok na naghahatid ng sakit na dengue.

“Ako’y umaapela sa mga nanay, tatay na talagang takpan ang mga pinag-imbakan ng tubig o lagyan ng plastik para unang-una hindi pamugaran ng mga lamok na siyang magkakalat ng dengue,” ani Duque.

Bukod naman sa lamok, nagbabala rin si Duque na ang mga imbakan ng tubig ay maaaring pamahayan ng mga microorganism na maaari namang maghatid ng hepatitis at e. coli infection na magdudulot ng mga sakit gaya ng acute gastroenteritis at diarrhea o pagtatae.

“Ang tubig mismo puwedeng makontamina ng iba pang mga mikrob­yo. Hindi lang dengue kundi mga e. coli, hepatitis, at kung ano-ano pang puwedeng maging sanhi ng acute gastroenteritis at diarrhea. Dapat maging maingat, responsable at intindihin na ang tubig na ating iniipon ay dapat tak-pan para malayo sa mga banta ng mikrobyo sanhi ng maraming sakit,” dagdag pa ng kalihim.

Matatandaang nag-iimbak ng tubig ang mga residente dahil sa problema sa suplay ng tubig. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.