DENGUE CASES SA CAVITE DUMOBLE

DENGUE-CAVITE

HALOS  dumoble ang bilang ng naitalang dengue cases ng Department of Health (DOH) sa Cavite, ngayong unang kalahatian ng taon, kumpara sa kahalintulad na petsa ng nakaraang taon.

Batay sa tala ng Provincial Epidemiology and Surveillance Unit (PESU), umabot ng 6,232 ang mga kaso ng dengue na naitala nila mula Enero 1, 2019 hanggang Agosto 5, 2019,  kabilang ang 27 kaso ng namatay sa sakit, na mas mataas ng 99% kumpara sa 3,127 kaso lamang na naitala sa kahalintulad na panahon ng nakaraang taon.

Kabilang sa mga nagkasakit ay nagkaka-edad lamang ng isang buwang gulang hanggang 92-taong gulang, at karamihan sa kanila ay mga lalaki, na nasa 53% ng kabuuang dengue cases.

Pinakamaraming naitalang dengue cases ang Dasmariñas na may 1,542 kaso, kasunod ang General Trias, na may 575 kaso; Bacoor na may 510 kaso; Imus na may 507 kaso; at Silang na may 475 kaso.

Nagdeklara na ang provincial government ng Cavite ng state of calamity sa lalawigan nitong Hulyo 18, dahil sa patuloy na pagdami ng dengue cases doon.

Nitong Lunes, Agosto 5, ay personal namang bumisita si Health Secretary Francisco Duque III sa lungsod at naki­pagpulong sa mga alkalde upang matiyak ang kahandaan nila sa pagtugon sa mga kaso ng dengue.

Nag-ikot pa ang kalihim sa dengue wards sa General Emi­lio T. Aguinaldo Memorial Hospital upang alamin ang estado ng kalusugan ng mga pasyente doon.

“Dapat lahat ng ating mga lokal na pamahalaan ay handa na makapagbigay ng suporta sa mga biktima ng dengue lalo na ngayong patuloy na tumataas ang mga kaso dito sa Cavite kailangan natin ng dobleng pag-iingat,” mensahe pa ng kalihim sa mga alkalde.

“Magtulungan po tayo upang malutas natin at mapababa ang bilang ng mga nabibiktima ng dengue sa ating mga bayan at mailigtas sa tiyak na kapahamakan ang ating mga kababayan,”  aniya pa.

Hinikayat din niya ang mga local government unit na maglagay ng mga hydration station sa lahat ng rural health units para sa mga dumaranas ng mataas na lagnat upang maiwasan ang ma-dehydrate.   ANA ROSARIO HERNANDEZ

10 ARAW HIHINTAYIN KUNG

PUWEDE PANG GAMITIN ANG DENGVAXIA

Inihayag kahapon ni Secretary Francisco Duque III ng Department of Health (DOH) na posibleng abutin pa ng sampung araw bago mailabas ang desisyon kung gagamitin bang muli ng pamahalaan ang kontrobersiyal na anti-dengue vaccine na Dengvaxia, dahil na rin sa patuloy na pagdami ng naitatalang dengue cases sa bansa.

Ayon kay Duque, inaasahang tatalakayin ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang mga gabinete ang isyu.

Kaugnay nito, sinabi ng kalihim na sang-ayon siya sa posisyon ng Malacañang na kailangan pa ng maraming pag-aaral kung papayagan nga bang maibalik sa merkado ang natu­rang bakuna at kailangan pa rin aniyang maghintay ng karagdagang mga impormasyon hinggil dito.

Aniya, maaari rin namang sa mga pribadong pasyente lang irekomenda ang paggamit ng Dengvaxia, gaya ng ginagawa sa Thailand, Indonesia at Singapore upang maiwasan ang tinatawag na ‘severe dengue reaction’ na maaaring mangyari kung mabibigyan ng naturang bakuna, ang mga taong hindi pa tinamaan ng dengue.

“Ito ay kinakailangang may doktor, may monitoring na talagang mas masusundan ng doktor ‘yung kondisyon ng pasyente o nang kung sinuman ‘yung matuturukan for what is known as adverse event following immunization,” paliwanag ng kalihim.

Kamakailan ay nagdeklara na si Duque ng ‘National Dengue Alert’ dahil sa pagdami ng dengue cases sa bansa.

Mahigit 130,000 kaso ng dengue ang naitala ng DOH sa buong bansa, mula Enero hanggang kalagitnaan ng buwan ng Hulyo o halos doble sa mga kasong naitala nila sa nakalipas na taon.  ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.