NORTH COTABATO-DALAWA katao na ang nasasawi dahil sa biglang pagsirit ng kaso ng Dengue sa Kidapawan City sa lalawigang ito.
Kinumpirma ng City Epidemiology and Surveillance Unit ang pagtaas ng Dengue cases sa lungsod.
Bantay sa kanilang tala, mula nitong Enero 1 hanggang Mayo 13, nakapagtala na ang lungsod ng 206 na kaso ng dengue.
Katumbas ito sa 1,066% na pagtaas kumpara sa parehong mga buwan noong 2021 na mayroon lamang 18 na dengue cases.
Limang mga barangay sa lungsod ang nakapagtala ng mataas na dengue cases na kinabibilangan ng Poblacion (54), Sudapin (26), Balindog (17), Amas (15), Lanao (15) habang ang iba pa ay nakapagtala na rin ng mula isa hanggang dalawang kaso.
Dahil dito, nanawagan si Kidapawan Mayor Joseph Evangelista sa bawat sektor at mamamayan na magtulungan at magkaisa sa pagsugpo sa Dengue.
Napagkasunduan sa health cluster meeting na bukod sa free test para sa Dengue patients ay may ilalaan ding financial assistance package ang LGU para sa mga maa-admit sa pagamutan.
Panawagan ng LGU sa mga nakakaranas ng sintomas ng Dengue – tulad ng lagnat, pananakit ng katawan at skin rashes na agad na magpatingin sa doktor. EUNICE CELARIO