DENGUE CASES TUMAAS

Health Undersecretary Eric Domingo

TULAD nang inaasahan, nakapagtala ang Department of Health (DOH) nang pagtaas ng dengue cases sa bansa ngayong panahon ng tag-ulan.

Kaugnay nito, pinayuhan ni Health Undersecretary Eric Domingo ang publiko na ma­ging maingat upang hindi dapuan ng sakit.

Sa isang panayam sa radyo, sinabi ni Domingo na sa Metro Manila pa lamang ay umaabot na sa 7,200 dengue cases ang kanilang naitatala ngayong taon, na mas mataas ng 25% kompara sa 5,800 kaso na naitala nila sa kahalintulad na petsa noong nakaraang taon.

Nakapagtala rin sila ng pagtaas ng mga kaso ng sakit sa Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, CALABARZON, MIMAROPA, Bicol, Western Visayas, at Northern Mindanao.

Paalala naman ni Domingo, bagamat maaaring dapuan ng sakit sa buong taon, nananati­ling ang peak season ng dengue ay ang tag-ulan at mga pagbaha, o kapag maraming tubig sa pa­ligid, na siyang pinamumugaran at pinangingitlugan ng lamok.

Tiniyak naman niya sa publiko na handa ang DOH sa pagtugon sa mga pangangailangan ng mga pasyenteng tatamaan ng naturang sakit.

Iginiit ng health official na ang pinakamainam pa ring panlaban sa dengue ay ang pag-iwas na makagat ng lamok, sa pamamagitan nang pagpapa­natiling malinis ng paligid, at pagtatanggal ng mga bagay na maaaring pamahayan ng lamok.

Makatutulong din ang pag­papahid ng mosquito repellent lotion at pagsusuot ng mga damit na mahahaba ang manggas at pajama o pantalon upang hindi makagat ng lamok.

Sakali naman umanong dinapuan na ng sakit, ay makabubuting isugod na kaagad sa pagamutan ang biktima upang malunasan ito.

Paalala pa ni Domingo, wala pang gamot sa dengue kaya’t ang pagpapalakas sa resistensiya ng pasyente ang pinakamahusay na paraan upang malabanan ang naturang sakit.

Babala pa niya, ang dengue ay nakamamatay kung mapapabayaan kaya’t hindi ito dapat na ipagsawalambahala. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.