DENGUE OUTBREAK, STATE OF CALAMITY IDINEKLARA SA BOHOL

CENTRAL VISAYAS – MAKARAANG pumalo sa 5,839  ang kaso ng Dengue mula Enero hanggang Agosto 24, nagdeklara na ng dengue outbreak ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bohol kasunod ng rekomendasyon ng Provincial Anti-Dengue Task Force (PADTF) .

Inihayag ni Provincial Health Officer Dr. Cesar Tomas Lopez na bukod sa pagdeklara ng outbreak ay idineklara rin ang state of cala­mity upang mapadali ang pagbili sa mga gamit para sa dengue lalo na sa mga lugar na mataas ang kaso.

Ang nasabing datos ay mas mataas pa ng 451.4% mula sa 971 na kasong naitala noong nakaraang taon habang 14 sa mga pasyente ang nasawi.

Gayundin, ilang ba­yan pa ay lumampas na sa epidemic threshold kabilang ang Tagbilaran City, Talibon, at Trinidad.

Bilang tugon, naglaan ang lalawigan ng P5.3 milyon para sa IV fluids, testing kits, at kama para sa mga provincial hospital.

Inatasan na rin ang mga local government units (LGUs) na muling ipaaktibo ang mga task force at ipatupad ang 4S strategy—Search and Destroy, Self-protection, Seek Early Consultation, at Support Fogging.

Nilinaw pa ni Lopez na bagaman libo-libong kaso ang naitala sa lalawigan ngunit tinataya pa umano ng task force na nasa 670 na lamang ang aktibo sa nakalipas na Linggo.

EUNICE CELARIO