KINUKUMPIRMA ngayon ng World Health Organization (WHO) kung maaari bang maisalin ang dengue virus sa pamamagitan ng pagtatalik.
Ito ay makaraang ihayag ng health authorities sa bansang Spain ang kauna-unahang kaso ng dengue na naisalin o nakuha sa pamamagitan ng pakikipagtalik.
Sinasabing isang lalaki ang nagpakalat ng dengue virus sa pamamagitan ng sex.
Sa ulat na nakarating sa WHO, kinumpirma ng isang Susana Jimenez, Public Health officer ng Madrid Public Health na may isang 41-anyos na lalaki ang nagkaroon ng dengue matapos makipag-sex sa kanyang partner na lalaki na nasalinan ng dengue virus mula sa kagat ng lamok nang magbiyahe ito sa bansang Cuba.
Naging palaisipan sa mga doktor kung bakit nagkaroon ang lalaki ng dengue virus dahil hindi naman ito lumabas ng bansa.
Sa pagsusuri sa semilya ng dalawang mag-partner ay nakumpirma ang dengue at kapareho umano ng virus na laganap sa Cuba.
Ang dengue na nakukuha mula sa Aedes Aegypti mosquito ay karaniwang sakit sa bansa na may mainit na klima gaya ng Asia, Africa, Australia maging sa Caribbean at South and Central America.
Nabatid na naging pakay na rin ng pag-aaral ang sexual transmission ng dengue sa pagitan ng babae at lalaki sa South Corea, pahayag pa ni Jimenez.
Sa website ng WHO, ang dengue ay naisasalin sa pamamagitan ng Aedes Aegypti mosquito na namumuhay sa mga over populated tropical climates at naninirahan sa mga nakainang o stagnant na tubig. VERLIN RUIZ
Comments are closed.